DOF: Hindi kakaltasan ang pensiyon ng mga nagretirong uniformed personnel

DOF: Hindi kakaltasan ang pensiyon ng mga nagretirong uniformed personnel

SINAGOT ng Finance Department ang mga agam-agam patungkol sa isyu na mababawasan umano ang pension at benepisyo ng mga military at uniformed personnel kaugnay sa isinusulong na reporma sa pensiyon na para sa kanila.

Matagal nang pinanindigan ng pamahalaan na dapat nang magkaroon ng bagong sistema sa pensiyon para sa mga military and uniformed personnel (MUP).

Una nang sinabi ni Department of Finance (DOF) Secretary Benjamin Diokno na kung ipagpapatuloy ang kasalukuyang sistema ay magkakaroon ng fiscal collapse.

Sa ngayon kasi iba ang sistema sa pension ng uniformed personnel na kinabibilangan ng AFP, PNP, BFP, BJMP, Coast Guard, Bureau of Corrections pati ang Philippine Public Safety College.

Walang kontribusyon o kaltas sa sahod ang mga ito hindi katulad ng pension ng ibang kawani ng gobyerno.

Ang MUP pension ay suportado lamang ng gobyerno sa pamamagitan ng tax payers contributions.

Sa isang pulong balitaan araw ng Miyerkules Agosto 31, 2023, sinabi ni Finance Undersecretary Cielo Magno na ngayong taong 2023 nasa P140-B ang binabayaran ng gobyerno sa pension ng military at uniformed personnel.

“Halimbawa po for 2023, medyo malaki na po ‘yung gastos with respect to pension, ito po ay umaabot ng 140 billion,” ayon kay Usec. Cielo Magno, Department of Finance.

Aniya ang malaking gastos na ito ay mayroong epekto sa budget ng militar at iba pang uniformed personnel.

Ayon kay Magno na malaking porsiyento sa budget ng militar ay napupunta sa pension lamang imbes na napupunta sa operating expense at capital expense ng military and uniformed personnel.

“Ang isa pa pong inaalala nating consequence nitong papalaking gastos sa pension ay ang impact sa budget ng military at uniformed personnel dahil simula po 2019 makikita po natin na mas malaki na ang budget na na-allocate para sa pension kumpara sa operating expense and capital expense ng military and uniformed personnel and this might have consequences din po sa capacity natin to modernized our military and to respond to the needs of active members of the military,” ayon pa kay Magno.

Kaya ang nakikitang solusyon nito ng pamahalaan ay ang pagbayarin ang mga sundalo ng regular na kontribusyon para sa kanilang pensiyon.

“Na ang kailangan po talaga to have a sustainable fund ay 21% contribution so 9% from the military 12%,” ani Magno.

Ang hakbang na ito ng pamahalaan ay umani ng samu’t saring reaksiyon.

Si Ret. Col. Ariel Querubin, sinabi na dapat na manatili sa orihinal ang kanilang natatanggap na pension at benepisyo.

“Sana status quo kaya nga inaapila ko ano naman to lahat naman through consultation kasi at I’m very sure na later on magkakaroon naman ng consensus among nagde-deliberate maybe in Congress so sa akin i-aappeal ko pa rin na sana status quo” saad ni Ret. Col. Ariel Querubin.

Ngunit nilinaw ni Usec. Magno na hindi mababawasan at walang babaguhin sa mga natatanggap na pensiyon at benepisyo ng mga military at uniformed personnel.

“This is very important to be clarify hindi po natin nire-reduce ‘yung pension hindi rin po natin po natin binabago ‘yung benefits I think ito po ‘yung isa sa mga pangunahing agam-agam kasi old versions old proposals po ang lumalabas kapag nag early retirement makukuha mo lang ang benefit mo at the age of 57, that was an old proposal sa kasalukuyan pong proposal at dulot ng pag-iikot at bukas na conversations sa mga different stakeholders ng military ang uniformed personnel wala po tayong babaguhin ‘dun sa pension in fact po sa military itataas pa natin,” giit ni Magno.

Ang naging pahayag na ito ni Usec. Magno ay ikinatuwa ni Ret. Col. Querubin.

“Maraming salamat po maam napakagandang pakinggan at sa sinabi po ninyo magkakaroon pa po ako ng deferential pala thank you,” ani Querubin.

Sa huli sinang-ayunan ng dating opisyal ang mga naging proposal ng Finance Department para sa ikabubuti ng lahat.

“Napakaganda po kung matutuloy ito kasi kahit papaano ito po ‘yung partly makaka-solve ng problema ng pangangailangan nila,” saad ni Querubin.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter