DOH: 8.42% ng COVID-19 vaccines sa bansa ang nasayang

DOH: 8.42% ng COVID-19 vaccines sa bansa ang nasayang

SA pagharap ng Department of Health (DOH) sa Senate Committee on Health ay inamin ni OIC Usec. Maria Rosario Vergeire na nanatiling mababa ang booster shot coverage ng bansa na nasa 21 percent pa lamang.

Ito ay kahit nasa 90 percent na ang fully vaccinated o ang nakakuha ng first at second dose ng bakuna mula sa adult population.

Ayon kay Vergeire, maraming dahilan kung bakit alangan ang maraming Pilipino na magpa-booster, isa rito ay overconfident na sa bakunang kanilang nakuha.

Naging dahilan din aniya ng mga Pinoy kung bakit iwas sila magpa-booster ay dahil sa takot ng side effect.

Ang iba naman aniya ay ayaw magpa-booster dahil ito ay naging requirement sa kanilang pinagtratrabahuhan.

Maliban naman dito, inamin din ng DOH na sa kabuuan ay umakyat na sa 8.42 percent ang vaccine wastage ng bansa as of Aug. 12, 2022.

Pero ayon sa DOH, pasok pa rin ito sa wastage acceptance ng World Health Organization (WHO).

Kadalasan kaya raw nasisira ang bakuna ay dahil sa kalamidad, sa expiration nito at sa human error.

Sa kabila nito ayon kay Vergeire na nangako ang COVAX Facility na papalitan ang lahat ng mga nag-expire na bakuna mula sa private at public sector.

Ayon kay Dr. Anthony Leachon na naging resource person sa pagdinig, dahil aniya sa delay ang roll out ng 2nd booster kaya maraming nasayang na bakuna.

Ani Leachon, magandang mailapit ang bakuna sa mga malalayong lugar at ipatupad ang First Expiry, First Out Policy para maiiwas ang pagkasira ng mga bakuna.

Sinuhestyon din nito na gumamit ng mga influencers ang pamahalaan para mai-promote ang booster shot.

Sinuhestyon din nito na dapat manatili ang IATF, at maganda aniya na pangunahan ito ng NEDA.

Samantala, para naman mapalakas pa ang kampanya ng PinasLakas campaign ay inilapit ng DOH ang vaccination drive sa Korte Suprema.

Ayon kay Vergeire, nasa 800 na mga empleyado sa Judiciary branch ang target nilang mabakunahan habang sinabi naman ni Chief Justice Alexander Gesmundo na maaring i-extend ang bakunahan sa mga pamilya ng kanilang court employees.

Sa huling tala, ay umakyat na sa 18,000 ang vaccination site ng DOH para sa PinasLakas campaign.

 

Follow SMNI News on Twitter