DOH at WHO, inilunsad ang 2024-2028 Philippine Council for Mental Health Strategic Framework

DOH at WHO, inilunsad ang 2024-2028 Philippine Council for Mental Health Strategic Framework

INILUNSAD ng Department of Health (DOH), sa pakikipagtulungan ng World Health Organization (WHO), ang 2024-2028 Philippine Council for Mental Health (PCMH) Strategic Framework.

Pinangunahan ni Health Secretary Ted Herbosa ang launching event na ginanap sa isang hotel sa lungsod ng Maynila nitong Huwebes.

Idinesenyo ang naturang framework upang magsilbing “guiding document” para sa pagbuo at pagpapatupad ng komprehensibong mga patakaran, programa, at serbisyo sa mental health sa Pilipinas sa susunod na limang taon.

Binigyang-diin ng Health Department na ang inisyatiba ay naaayon sa bagong eight-point action agenda ng sektor ng kalusugan, na nakatuon sa “Ginhawa ng Isip at Damdamin” bilang pangunahing layunin.

Nagtulungan ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at mga pangunahing stakeholder sa pagbuo ng five-year strategic plan.

Nilalayon ng istratehikong planong ito na bawasan ang premature mortality, maiwasan at gamutin nang epektibo ang substance abuse, at bawasan ang kahinaan ng mga indibidwal at komunidad sa mga sakit sa mental, neurological, at substance use disorders.

‘‘As we launch the 2024-2028 PCMH Mental Health Strategic Framework, I am confident that we can address more mental health concerns in the country. With the contributions of all partner agencies under the PCMH and the guidance of WHO, we can achieve all the strategies we are set to do as laid out in the new five-year strategic framework,” ayon pa kay Sec. Ted Herbosa, DOH.

Kasama ang suporta ng WHO Special Initiative for Mental Health, itinataguyod ng PCMH ang pangunahing karapatan ng mga Pilipino sa mental health.

Ito ay sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mental health policies, pagpapalakas ng patient navigation at referral pathways, paglikha ng Mental Health Internal Review Board, at pagsasanay sa mga grupo ng media sa etikal at responsableng pag-uulat at paglalarawan ng suicide.

Mula nang maipasa ang Mental Health Act noong 2018, pinalaki ng Pilipinas ang mga serbisyo sa kalusugang pangkaisipan at quality essential medicines, na may 362 access sites sa buong bansa.

Samantala, itinampok din sa DOH event ang pagpapalawak ng PhilHealth Mental Health Benefit Package, na bahagi ng pangako nito na mapabuti ang access sa mental health care.

Ang naturang package ay nagbibigay ng mental health benefits para sa outpatient at community-based services.

Kasama sa primary care package ang 12 konsultasyon, diagnostic follow-up, psychoeducation, at psychosocial support na ibinibigay ng mental health outpatient facilities para sa medicine access sites.

Ibinahagi naman ng DOH na base sa isang global survey ng FWD Group Holdings Limited, 63% ng mga Pilipino ay naniniwala na ang kanilang kasalukuyang economic challenges ay makabuluhang nakaaapekto sa kanilang mental health.

Ang naturang launching event ay dinaluhan ng mga PCMH Council Members mula sa iba’t ibang ahensiya kabilang ang DOH, Department of Education (DepEd), Department of Labor and Employment (DOLE), at Department of Interior and Local Government (DILG) at naroon din ang kinatawan ng World Health Organization (WHO).

 

Follow SMNI NEWS on Twitter