DOH, bukas sa isasagawang special audit ng COA sa mga nabiling COVID-19 vaccines

DOH, bukas sa isasagawang special audit ng COA sa mga nabiling COVID-19 vaccines

INIHAYAG ng Deparment of Health (DOH) na suportado nila ang balak ng Commission on Audit (COA) na magsagawa ng special audit sa mga COVID-19 vaccines na kanilang naprocure.

Ito ay matapos sabihin ng COA na nanghihingi ang Asian Development Bank at World Bank ng special audit sa loan na kanilang inaprubahan sa gobyerno para makabili ng naturang bakuna sa ibang bansa.

Sa pahayag ng DOH, sinabi nito na sila ang mismong humiling sa COA na gumawa ng special audit dahil ito ay parte ng kanilang loan agreement sa mga bangko.

“The DOH sent a letter to COA as early as September to request for the special audit, and it was the DOH that selected COA to be its auditing firm in the agreements,” ayon sa DOH.

Dagdag pa ng DOH sa pahayag, noong Setyembre pa sila humiling para sa special audit at ang kagawaran ang mismong pumili sa COA para ito ang kanilang maging auditing firm.

Kaya matitiyak aniya ang publiko na alam ng DOH ang kanilang mga kailangang gawin na may kinalaman sa mga loan na kanilang naisecure para sa mga bakuna.

“So rest assured that the DOH is well aware of the commitments that it needs to uphold as it relates to the loans we secured for the COVID-19 vaccine procurements, and that it will continue to be proactive in ensuring that our taxpayers’ money is well-spent,” dagdag pa ng DOH.

Magpapatuloy rin anito ang DOH sa pagiging pro-active para matiyak na nagagamit nang mabuti ang perang nanggagaling sa mga taxpayer.

Samantala, dahil sa tuluy-tuloy na bakunahan sa bansa, higit sa 73 milyong indibidwal o 94.23% ng target na populasyon ang bakunado na laban sa COVID-19.

20 milyon naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.

Sa kabilang banda, 6.9 milyong senior citizens o 79.35% ng target na A2 population ang nakatanggap na ng kanilang primary series.

Follow SMNI NEWS in Twitter