DUMEPENSA si Department of Health (DOH) OIC Usec. Maria Rosario Vergeire sa pagturing ng US Centers for Disease Control and Prevention sa Pilipinas bilang isang ‘high risk’ na bansa sa COVID-19.
Sa ilalim ng Category 3 ng US CDC, ang isang destinasyon ay mayroong 100 na bagong kaso ng COVID-19 sa kada 100,000 population sa nakalipas na 28 araw.
Pinayuhan din ng US CDC ang mga biyahero na tiyakin na up to date ang kanilang COVID-19 shots bago pumunta ng Pilipinas dahil sa pagiging high risk nito sa COVID-19.
Ayon naman kay Usec. Vergeire, gumamit ng ibang metrics sa pagtukoy ng panganib sa COVID-19 ang US CDC.
Ang CDC umano ay nakabase sa bilang ng kaso habang ang Pilipinas ay nakadepende sa health utilization rate.
“Sa CDC ang ginagamit nila ‘yung incidence rate…dito po sa ating bansa we know na itong number of cases ay hindi natin binibigyan ng equal rate with our health care utilization. Dito sa ating bansa we already have aligned with most of the countries kung saan ang pinaka of value nasa atin ngayon is to preserve our health care system. So, in terms of this risk classifications of US CDC, it talks about the number of cases and the number of those testing positive. But we need to further go deep and analyze this. Ilan ba dyan sa sinasabi nila na naging high risk tayo, severe, at critical. Ilan ba diyan ang naospital. Alam po natin lahat ang sagot dito sa atin sa Pilipinas. Ang ating severe and critical infection remains to be at that low number less than 1,000. Ang ating na-aadmit manageable at napi-preserve pa rin natin ang ating health care system,” pahayag ni Vergeire.
Samantala ayon sa DOH, nanatiling nasa low risk para sa COVID- 19 ang Pilipinas kung pagbabatayan ang ating two week growth rate, average daily attack rate, at hospital utilization.
Sinabi rin nito na ang lahat ng area sa Pilipinas ay nakitaan ng pag-plateau ng mga kaso ng COVID- 19.
Sa kabila nito, giit ng ahensiya dapat manatiling vigilant ang publiko.
BASAHIN: Bilang ng mga naitalang bagong kaso ng BA.5 Omicron subvariant ng COVID-19, pumalo sa 1,011