DOH, haharap na sa Senate inquiry kaugnay sa pag-expire ng mga bakuna

DOH, haharap na sa Senate inquiry kaugnay sa pag-expire ng mga bakuna

HAHARAP na ang Department of Health (DOH) para sa Senate inquiry na may kinalaman sa mga nasayang na bakuna.

Sa isang press briefing, sinabi ng DOH na nakatakda na silang humarap sa darating na Lunes para sa naturang Senate inquiry.

Matatandaan na kamakailan ay itinutulak ni Senator Risa Hontiveros na magkaroon ng imbestigasyon ang Senado hinggil dito.

Nitong nakarang buwan ay mayroong mga bakuna ang nag-expire.

“Meron tayong breakdown niyan hindi lang kami makapagbigay ng mga datos sa ngayon because we are regularly or daily nag-iimbentaryo kami ngayon tinitignan natin dahil meron ho tayo sa Lunes na hearing with the Senate para maipaliwanag natin sa kanila, makapagbigay-impormasyon tayo sa kanila,” pahayag ni DOH OIC Dr. Maria Rosario Vergeire.

Sinabi naman ni Vergeire na ang lahat ng nasirang bakuna ay papalitan ng COVAX Facility.

Ito aniya ang ibinigay na commitment sa kanila ng COVAX.

“Ang ating mga expiring vaccines we had an agreement with the COVAX Facility that this will all be replaced. Lahat po even those that have expired from the private sector and the local government units na vaccine papalitan po ng COVAX Facility ‘yun nga lamang meron po tayong schedule dates of replacement,” ani Vergeire.

Sinabi naman ng DOH na ang pagkakasira ng ilang bakuna ay katanggap-tanggap.

Pagdating naman sa posibleng imbestigasyon sa kahandaan ng ahensiya sa monkeypox ay una na ring sinabi ng DOH na handa itong harapin ng ahensiya.

Ayon kay Vergeire, mayroon silang surveillance para sa naturang sakit at laboratory para sa pagtanggap ng mga sample na susuriin para sa naturang sakit.

Follow SMNI News on Twitter