DOH, iginiit ang kahalagahan ng bivalent vaccine

DOH, iginiit ang kahalagahan ng bivalent vaccine

IGINIIT ang kahalagahan ng bivalent vaccine ng Department of Health (DOH).

Paliwanag ng DOH na hindi kayang labanan ng mga dati nating natanggap na COVID-19 vaccine ang kasalukuyang strain ng COVID-19.

Kaya mahalaga pa rin ayon sa DOH ang pagtanggap ng ikatlong booster shot gamit ang bivalent vaccine.

Pinapahalagahan pa rin ng mga doktor na sina Matt at Jocelyn ang pagpapabakuna laban sa COVID-19 lalo na ang pagpapaturok gamit ang bivalent vaccine.

Sa kabila anila ng mababang kaso ng COVID-19 sa bansa, kinakailangan pa rin anila ng karagdagang proteksiyon lalo na sa kanilang mga healthcare workers na ‘very exposed’ sa impeksiyon.

Kaya naman hindi pinalagpas ni Matt at Jocelyn ang magpabakuna ng ikatlong booster gamit ang bivalent vaccines nitong Huwebes sa San Juan City.

Nasa 2,300 healthcare workers ang babakunahan ng nasabing bakuna sa lungsod.

 “Although humuhupa ‘yung case, mayroon tayong consistent cases, tapos kahit mild pa rin highly infective pa rin siya. Siyempre ayaw nating makahawa tayo lalo ‘pag nagkaroon,” ayon kay Dr. Matt Fontrum, Internal medicine, Cardinal Santos Medical.

“Napakahalaga na magkaroon ng booster na bivalent kasi it covers ‘yung, the bivalent covers ‘yung variant ng COVID-19 na hindi covered ‘nung dati nating vaccine. Since exposed kami lage, kaming mga healthcare workers sa mga patients na pumupunta lage sa hospital, kami mataas talaga ‘yung probability namin na magkaroon ng COVID,” saad ni Dr. Jocelyn Regalado, Opthamology, Cardinal Santos Medical Center.

Ayon sa DOH-National Capital Region (NCR) na bagaman mababa ang kaso ng COVID-19, mahalaga pa rin ang magpabakuna ng ikatlong booster.

Sinabi ni DOH-NCR Regional Director Dr. Aleli Anne Grace Sudiacal, tanging ang bivalent vaccine lamang ang may kakayahan na labanan ang kasalukuyan at bagong strain ng COVID-19 sa bansa.

“However, COVID is still here. It can still mutate. We can still have those surges. So ito pong ating bakuna na ito bivalent siya no. It will cater, kaya niyang labanan ‘yung circulating COVID-19 virus strain ngayon. ‘Yung nakuha niyo po noon, monovalent lang ‘yon,” ayon kay Dr. Aleli Anne Grace Sudiaca, Regional Director DOH-NCR.

Para naman kay Mayor Francis Zamora, mahalaga pa rin ang pagbabakuna lalo na ng ikatlong booster shot sa pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa San Juan City.

“Bagama’t nagkaroon ng kaunting pagtaas nakaraang buwan, nakita natin mabilis po itong bumaba. At para sa akin at ako ay makapagsasalita base sa karanasan, ito po ay dahil mataas po ang vaccination rate ng San Juan,” ayon kay Mayor Francis Zamora, San Juan City.

Healthcare workers na direktang nag-aalaga ng COVID patients, unang tatanggap ng bivalent vaccine

108,000 doses ng bivalent vaccines ang inisyal na alokasyon sa buong Metro Manila mula sa 390,000 doses na donasyon ng Lithuania sa Pilipinas ayon sa DOH.

Bagaman inanunsiyo na kasamang mababakunahan ang mga senior citizen ng bivalent vaccine, uunahin muna ang mga healthcare workers na direktang nag-aalaga ng COVID-19 patients.

Dahil limitado pa ang suplay ng nasabing bakuna.

“Huwag po sanang magtampo ang ating mga senior citizens. Susunod na po sila once we received the next allocation or the next batch of vaccines,” ani Dr. Aleli Sudiacal.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter