KAMPANTE ang Department of Health (DOH) na walang mga pa-expire na COVID-19 vaccines ngayong buwan ang maitatapon.
Kinumprima ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na may mga COVID-19 vaccines na donasyon ng iba’t-ibang pamahalaan sa mundo at ng Covax Facility ang pa-expire na sa katapusan ng Nobyembre.
Dahil sa maikling shelf-life ng mga bakuna, ilang bansa ang nahirapang ipamahagi ito bago ang expiration date, na nag-udyok sa kanila na i-donate ang ilang dosis.
Giit ni Vergeire walang pa-expire na mga COVID-19 vaccine ang masasayang dahil may istratehiya na ang pamahalaan para dito.
“Kaya po nung ating natanggap ang mga bakunang ito ay agad po natin itong dineploy at dineploy natin sa mabilis o fast moving na mga local government. They can vaccinate as many as possible in a given day, diyan po natin ibinigay ang mga bakuna at sa ngayon ginagamit na,” pahayag ni Vergeire.
Dagdag ng DOH official ang mga pribadong sektor naman na pa-expire na rin ang mga COVID-19 vaccine ay maaaring ipahiram ito sa national government sa pamamagitan ng pagpasok sa isang loan arrangement.
Papalitan lang din ng pamahalaan ang mga bakunang ito kung kinakailangan na.
Saad naman ng mga eksperto, nanatiling stable at tumatagal ang mga bakuna kontra COVID-19 sa mababang temperatura at kung paano ito iniimbak.