DOH, kumikilos kontra dengue: Mga paaralan, tinutukan ngayong tag-ulan

DOH, kumikilos kontra dengue: Mga paaralan, tinutukan ngayong tag-ulan

SA gitna ng banta ng dengue ngayong panahon ng tag-ulan, agad kumilos ang Department of Health (DOH) para palakasin ang kampanya laban sa sakit lalo na sa mga paaralan kung saan kadalasang lantad ang mga bata sa panganib.

Ngayong panahon ng tag-ulan, hindi lang baha ang bantang kinakaharap ng mga estudyante. Mas seryoso ang panganib ng dengue, lalo na sa mga silid-aralan at paligid ng paaralan na maaaring pamugaran ng mga lamok.

Dahil dito, mas pinaigting ng Department of Health ang kampanya kontra dengue, bitbit ang babala at aksyon sa mismong mga paaralan.

Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, inaasahan na nila ang pagtaas ng mga kaso ng dengue ngayong muling nagsimula ang tag-ulan. Kaya’t mas pinaigting pa ng DOH ang mga hakbang kontra sakit, lalo na sa mga paaralan.

Personal na nakibahagi si Secretary Herbosa sa Brigada Eskwela, kung saan itinuro niya sa mga guro kung paano tukuyin ang mga posibleng lugar na pamugaran ng lamok—mga simpleng detalye na maaaring makapagligtas ng buhay.

“I joined the school cleanups, and there, I taught teachers how to identify mosquito breeding grounds,” ayon kay Sec. Teodoro Herbosa.

Base sa datos ng DOH, tumaas ng 56 percent ang mga kaso ng dengue mula Enero hanggang Marso ngayong taon, kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Bagamat bahagyang bumaba ito noong tag-init, inaasahan ang pagdami muli ng kaso ngayong tag-ulan.

Namahagi rin ang DOH ng mga kulambo at window screen na may insect repellent sa iba’t ibang paaralan.

Ayon kay Sec. Herbosa, aktibo ang lamok na Aedes aegypti tuwing araw kaya mahalaga ang proteksyon kahit sa loob ng classroom.

May nakahanda na ring rapid response team sakaling magkaroon ng clustering o pagdami ng kaso sa isang paaralan.

Paalala ng DOH: panatilihing malinis ang kapaligiran at iwasan ang mga lugar na maaaring pamugaran ng lamok.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble