KINUMPIRMA ng Department of Health (DOH) -Metro Manila ang patuloy na pagtaas ng kaso ng measles o tigdas sa rehiyon at iba’t ibang panig ng bansa.
Hindi biro ang measles o tigdas—isang sakit na mabilis makahawa at maaaring magdulot ng seryosong kumplikasyon. Kaya naman, hindi na nag-aksaya ng oras ang DOH sa pagpapatupad ng catch-up immunization program para sa mga bata.
Araw ng Martes nang idaos ang catch-up immunization sa Binondo, Maynila, sa pakikipagtulungan ng LGU at private sector. Dito, binakunahan ang mga batang may edad 9 hanggang 59 buwan, bilang proteksiyon laban sa tigdas.
Aminado ang DOH-Metro Manila na may naitalang pagtaas ng kaso ng tigdas, hindi lang sa National Capital Region kundi maging sa iba pang bahagi ng bansa.
Ayon sa ulat ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit, umabot na sa 368 ang naitalang kaso ng tigdas mula Enero hanggang Marso 15 ngayong taon.
Dalawang bahagi ang catch-up immunization ng DOH. Sinimulan ang phase 1 noong Marso 17 at magtatagal hanggang Marso 28. Posibleng ipatupad ang phase 2 sa ikalawang kwarter ng taon.
Sa ngayon, mahigit 40,000 bata na ang nabakunahan kontra tigdas.
Ayon sa mga eksperto, ang tigdas ay lubhang nakakahawa. Isang batang may tigdas, kayang makahawa ng hanggang sampung iba pang bata.
Kung mahina ang resistensya, maaaring humantong ito sa seryosong kumplikasyon tulad ng pamamaga ng utak (encephalitis) at pulmonya (pneumonia).
Ang target ng DOH ay ang mga batang hindi nabakunahan mula 2021 hanggang 2024 – isang backlog na kailangang habulin para maiwasan ang outbreak.
Ngunit bakit may mga batang hindi pa rin nababakunahan?
Sa patuloy na pagsisikap ng DOH at mga katuwang nitong institusyon, umaasa silang mas marami pang bata ang mapoprotektahan laban sa sakit na maaaring ikapahamak ng buhay.
Ang bakuna ay subok nang ligtas at epektibo – at ito ang ating pinakamalakas na sandata laban sa tigdas.
Follow SMNI News on Rumble