NAGBABALA ang Department of Health (DOH) laban sa kumakalat na pekeng rabies vaccine ngayon sa ilang lugar sa bansa na ibinibenta sa napakamurang halaga.
Ayon sa Food and Drug Administration (FDA), may kumakalat na hindi rehistradong rabies vaccine na maaaring mapanganib sa kalusugan, kaya’t mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit nito.
Nadiskubre ang pekeng bakuna sa ilang klinika at botika na hindi awtorisado ng DOH o FDA. Ibig sabihin, walang garantiya sa kalidad, bisa, at kaligtasan ng naturang produkto.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, seryoso ang banta na dala ng mga pekeng bakuna.
“Hindi dapat ito binabalewala. Ang rabies ay nakamamatay. Kung pekeng bakuna ang naiturok, posibleng hindi ka maprotektahan laban sa virus. Huwag basta-basta kukuha ng bakuna sa mga hindi lisensyadong pasilidad,” ayon kay Sec. Teodoro Herbosa.
Paalala naman ng DOH, maaaring magpabakuna lamang sa mga DOH-accredied Animal Bite Centers o ospital na may lisensya mula sa FDA. Umiwas din sa mga nag-aalok ng murang medisina lalo na’t hindi ito dumaan sa tamang inspeksyon.
Pinayuhan din ang mga nabakunahan na at may alinlangan sa bisa ng itinurok sa kanila, na agad bumalik sa pinakamalapit na health facility para sa pagsusuri at tamang aksyon.