DOH, nagpaliwanag sa akusasyong VIP treatment sa COVID-19 test

NAGPALIWANAG ang Department of Health (DOH) kaugnay sa mga ibinabatong akusasyon sa ahensya na umano’y VIP treatment sa testing ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Nilinaw ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na nakasunod sa inilabas nilang screening protocol ang pagsasailalim sa testing ng lahat ng pasyente.

Mariing itinanggi ni Vergeire na may VIP treatment dahil ang lahat aniya ng specimen ay pinoproseso sa pamamagitan ng “first-in, first-out basis”, subalit may courtesy para sa national security at mga health officials.

Sa ngayon ay umaasa ang health department na makakatulong ang 100,000 test kits na dumating nitong weekend para agad matulungan ang mga matutukoy pang kumpirmado ng pandemic virus.

Samantala,nagbabala ang Malakanyang sa mga pulitikong ginagamit ang posisyon para magkaroon ng VIP testing sa COVID-19.

Iginiit ni Inter-Agency Task Force on Emerging and Infectious Diseases (IATF-EID) spokesman at Cabinet Secretary Karlo Alexi Nograles na dapat walang lamangan at gulangan sa pagpapa-test sa naturang test.

Sinabi ni Sec. Nograles na malinaw sa polisiya ng task force na dapat ay unahin ang mga pasyente na may sintomas ng Coronavirus.

Tugon ito ni Nograles matapos umani ng batikos ang umano’y vip test sa ilang opisyal ng gobyerno.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.