NAKAPAGTALA ng panibagong dalawang kaso ng monkeypox ang Department of Health (DOH).
Sa anunsiyo ngayong araw ni DOH OIC Usec. Maria Rosario Vergerie, dalawa ang nadagdag na kaso at lahat ng ito ay imported cases.
Ang case no. 2 ay isang 34 years old na pasyente na may travel history sa mga bansa na may kaso ng monkeypox.
Habang ang case no. 3 ay isang 29 years old na may travel history din sa isang bansa na may kaso ng sakit.
Ang case no 2 ay nasa home isolation na at kasulukyang isinasagawa ang contact tracing para sa mga nakasalamuha nito habang kasalukuyang nasa health facility ang case no 3.
Ang positive RT-PCR test result ng case no 3 ay ngayong araw lamang natanggap ng DOH.
Nasa 17 na closed contacts ang na-identify sa pangatlong kaso ng monkeypox.
Paglilinaw ni Vergerie, ang mga panibagong kaso ng monkeypox ay hindi nagmula sa closed contact ng unang pasyente.
Ang closed contacts ng unang kaso ay hindi nakaramdam ng anumang sintomas ng sakit.
Samantala, kahit pa imported ang mga panibagong kaso ng monkeypox giit ni Vergerie, hindi kailangang magsara ng border control.
Ayon kay Vergerie, hindi kailangang mag-panic ang publiko sa monkeypox.
Giit nito, magkaiba ang lebel ng transmission ng monkeypox sa COVID-19.
Aminado naman si Vergerie na maaaring may mga iba pang kaso ng monkeypox ang hindi pa nade-detect ng DOH.
Pero ang kailangan lang aniya dito ay ang kooperasyon ng bawat indibidwal na nakakaranas ng sintomas ng sakit na agad na magpakonsulta para agad na ma-isolate.
Paalala ni Vergerie, ang mga sintomas ng sakit sa monkeypox ay ang pananakit ng katawan, lagnat, namamagang kulane.
Sa loob ng tatlo hanggang apat na araw ay maaari namang makitaan na ito ng mga lesion na nagsisimula sa mukha.