DOH nakapagtala ng mahigit 3k kaso ng COVID-19

DOH nakapagtala ng mahigit 3k kaso ng COVID-19

NITONG araw ng Lunes, Setyembre 19 ay nakapagtala ng mahigit 3,000 bagong kaso ng COVID ang DOH.

Ito ay pinakamataas na single day tally ng DOH simula Sept 10.

Base sa COVID-19 tracker ng DOH, nakapagtala ang bansa ng 3,319 na kaso kahapon, araw ng Lunes, Setyembre 19.

Ito ang pinakamataas na kaso na naitala ng ahensiya sa isang araw simula noong Setyembre 10.

Tumaas din ang aktibong kaso sa 27, 686 mula sa 26, 401 active cases na naitala noong araw ng Linggo.

Tumaas din ang death toll sa 62, 587.

Ayon sa DOH mula Setyembre 12-18 ay nakapagtala ng 14,707 na bagong kaso ang bansa.

Inihayag naman ni Infectious Diseases Expert Dr. Rontgene Solante na mataas na ngayon ang household transmission dahil sa COVID-19.

Matatandaaan na kamakailan ay tinanggal na ng pamahalaan ang polisiya para sa mask mandate sa outdoor spaces.

Kasunod nito ayon kay Solante mas maiigi pa rin na laging magsuot ng mask ang publiko lalo na kung ang mga kasamahan nila sa bahay ay vulnerable sa sakit.

“Mas maigi pa rin, magsuot pa rin tayo ng face mask especially ‘pag hindi tayo sigurado sa sarili natin. Especially when we are the vulnerable population or mayroon tayong mga comorbidities or ‘yung mga matatanda or mayroon tayong inuuwian sa bahay na mas pwede nating mahawaan. Kasi ngayon, ang taas ng household transmission ng COVID. Makikita natin, pami-pamilya ang nagkakasakit tapos iyong mga matatanda ang napupunta sa hospital. So, even if that’s voluntary, I would still encourage everyone to wear their face masks even outdoors,” ayon kay Dr. Rontgene Solante.

Sinabi naman nito na inaasahan na ang pagtaas ng kaso kasunod ng optional wearing facemask policy at pagbubukas ng paaralan.

Ito ay dahil na rin sa mababa ang booster coverage na siyang isa sa panlaban natin laban sa Omicron subvariant.

“Expected iyan na tataas ang mga kaso.  Mababa ang booster population natin. Alam natin na itong BA.5 which is now globally the most dominant variant, talagang mahahawaan tayo nito kung hindi tayo magsuot ng face mask at hindi tayo mag-iingat sa mga pagtitipun-tipon. More particularly sa mga sa pagbabakuna,” dagdag pa ni Dr. Solante.

Sinabi naman nito na baka abutin pa ng mga ilang buwan bago niya matanaw na patapos na ang COVID-19 pandemic pagdating dito sa Pilipinas.

Sa kabila aniya na mababa ang mga kaso natin ngayon kumpara noong Enero o noong Setyembre ng nakaraang taon ay tuluy-tuloy pa rin ang community transmissions dahil sa with BA.5 variant.

“Makikita dito sa datos ng WHO, ang Philippines ay 5th among globally reporting new death on a weekly basis–last week. Ang ibig nating sabihin nito, kung matatanaw man natin, hindi pa siguro within the next 2 or 3 months kasi mataas-taas pa rin o mayroon pa ring mga kaso tayong nakikita,” pagtatapos ni  Solante.

Follow SMNI NEWS in Twitter