DOH, nakapagtala ng mahigit 5,000 na karagdagang kaso ng COVID-19

DOH, nakapagtala ng mahigit 5,000 na karagdagang kaso ng COVID-19

NADAGDAGAN pa ng 5,277 ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas kahapon araw ng Miyerkules ayon sa tala ng Department of Health (DOH).

Dahil dito, pumalo na sa kabuuang 202,361 ang bilang ng COVID-19 cases sa bansa.

Ayon sa DOH, pinakamaraming naitalang bagong kaso ay sa National Capital Region na may 3,157.

Sinundan ito ng Laguna na may 403, Negros Occidental na may 304, Rizal na may 2337 at Cavite na may 228.

Sa nasabing bilang ng confirmed cases, nasa 65,764 ang naitalang active cases.

Umabot naman sa 133,460 ang kabuuang bilang ng mga gumaling matapos itong madagdagan ng 1,131.

Nasa 3,137 naman ang bilang mga nasawi sa coronavirus matapos makapagtala ang DOH ng 99 new deaths.

Sinabi ng DOH na 80 duplicate ang inalis mula sa total case count matapos ang beripikasyon.

Mga nagpositibong overseas Filipino sa COVID-19, nasa 10,035

Samantala, pumalo na sa 10,035 ang bilang ng mga Pilipino na nagpositibo sa COVID-19 sa ibang bansa.

Ito ay matapos makapagtala ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng pitong bagong kaso ng coronavirus sa mga Pilipino na nasa Asia and the Pacific at Europe.

Sa datos ng DFA hanggang kahapon, Agosto 26, sa kabuuang bilang ng confirmed cases ay 3,217 ang patuloy na nagpapagamot.

Nasa 6,076 naman ang bilang ng mga gumaling matapos makapagtala ng 47 new recoveries.

Habang nananatili sa 742 na ang death toll.

Sa ngayon, nanatili pa rin ang Middle East sa may pinakamaraming Pinoy na nagpositibo sa COVID-19 na may 6,949.

Sinundan ito ng Europe na may 1,163 overseas Filipino na may covid-19: Asia Pacific Region na may 1,128 cases habang 795 sa Amerika.

Pagpatag ng COVID-19 curve sa Setyembre, posible

Inihayag ng ilang eksperto mula sa University of the Philippines (UP) -OCTA Research Team na posibleng mag-‘flatten’ ang kaso ng COVID-19 sa bansa pagdating ng Setyembre.

sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Dr. Guido David ng UP-OCTA Research Team na ang transmission rate ay bumabagal na at kumokonti na ang bilang ng kaso ng COVID-19 kada araw.

Sa kabila nito, binigyang-diin ni David na hindi pa tapos ang laban sa pandemya kapag na-flatten ‘yung curve.

Giit pa ni Dr. David, dapat ma-sustained ang collective efforts sa pagitan ng pamahalaan at mamamayan para tuluyang mapababa pa ang bilang ng kaso ng coronavirus.

“This is a collective effort so hindi pa tapos iyong laban. So, we have to sustain this momentum. It will take a while pero ang inaasahan natin, sana by Christmas, okay na lahat.”

                   — Dr. Guido David,   UP-OCTA Research Team         

Pinayuhan naman ni Prof. Ranjit Rye ang publiko maging ang gobyerno na i-take advantage ang positibong development sa pamamagitan ng pagpapanatili sa pagpapatupad ng mga hakbang na higit na makatutulong na mapigilan ang pagkalat ng virus.

Nagbabala naman si Rye na posible rin aniya ang panibagong pagsirit ng kaso ng COVID-19 kung magpapakampante na ang mamamayan at pamahalaan sa gitna ng nararanasang improvement na nakamit noong ipinatupad ang mas istriktong quarantine measures partikular sa Metro Manila.

Samantala, hindi naman inirekomenda ni Professor David ang kabuuang pagbubukas ng ekonomiya dahil umpisa pa lamang aniya ito ng recovery process ng bansa.

Kaugnay nito, inihayag ng Department of Health na dapat ikonsidera ang healthcare system at hindi lamang ang bilang mga COVID-19 cases sa pag-assess ng sitwasyon ng pandemya sa bansa.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.