DOH, nakatakdang maglabas ng guidelines ng COVID-19 booster shot para sa edad 12-17

DOH, nakatakdang maglabas ng guidelines ng COVID-19 booster shot para sa edad 12-17

INIHAYAG ng isang miyembro ng Technical Advisory Group (TAG) ng Department of Health (DOH) na nakatakdang maglabas ang ahensya ng guidelines ng COVID-19 booster shot para sa edad 12-17.

Binigyang-diin ng isang infectious diseases expert ang kahalagahan ng pagpapa-booster shot lalo na sa mga kabataan. Bago nito, hinihintay na lamang ang actual guidelines para dito.

Ayon kay Dr. Edsel Salvaña, isang infectious diseases expert at miyembro ng Technical Advisory Group ng DOH, ginagawan na ito ng ahensya ng formal guidelines matapos maaprubahan noon ng Food and Drug Administration (FDA) at dumaan sa Health Technology Assessment Council (HTAC).

“At dahil kaunti pa lang iyong pinayagan na vaccines para sa 12 to 17 years old, particularly iyong mRNA vaccines, presumably iyong magiging first booster is also going to be either Pfizer or Moderna, kasi iyon ang unang binigay dito sa population group na ito,” ani Dr. Salvaña.

Samantala, payo naman ni Dr. Salvaña sa mga magulang na nagdadalawang-isip pa rin, ay magtiwala sa ibibigay na first booster sa mga anak na 12-17 years old.

Iginiit ng eksperto na malinaw ang ebidensya na epektibo at ligtas ang pagpapa-booster lalo’t unti-unti nang nadaragdagan ang kaso ng Omicron.

Ani Salvaña, hindi sapat ang 2 doses ng COVID-19 vaccines para malabanan ang panganib ng coronavirus.

Mas mataas aniya ang antas ng proteksyon ng booster shot kumpara sa first two doses.

“For Omicron talagang essential ang ating first booster at lalong-lalo na ngayon na iyon nga, bahagyang tumataas at mayroon itong mga bagong Omicron lineages na mas transmissible, mas importante po talaga na ibigay na po natin iyong first booster natin para sa age group 12 to 17,” dagdag pa ni Salvaña.

Una nang inihayag ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje, chairperson ng National Vaccination Operations Center na inaasahang mailabas ngayong araw ang guidelines para sa administration ng COVID-19 booster shots sa batang may edad 12-17.

Ang naturang development ay matapos pirmahan ni Health Secretary Francisco Duque III ang rekomendasyon ng HTAC para sa paggamit ng booster dose sa naturang minor age group.

Saysay ni Cabotaje, inaayos na lamang ang minor issues sa panuntunan gaya ng ‘proof of filiation’ para sa magulang o guardian at ang paggamit ng parehong medical certificate para sa immunocompromised.

Parehong kinakailangan ang mga nabanggit bago makakuha ng mga pangunahing dosis para sa mga menor de edad na 12-17.

Sa kabilang banda, sabi ng DOH-TAG member na kagaya ng sa adults, ang interval ng pagbibigay ng second booster ay 3 buwan pagkatapos ng first booster jab.

Follow SMNI NEWS in Twitter