NILINAW na ng Department of Health (DOH) na magsusuot pa rin ng face shield sa indoor areas.
Ayon kay DOH Spokesperson Maria Rosario Vergeire na maaari lamang itong tanggalin kung ikaw ay mag-isa, kung nagbibisikleta o kung nagtatrabaho sa construction sites.
Binigyang-diin ng DOH na nagbibigay ng karagdagang layer ng protection laban sa COVID-19 kung kaya’t hindi nito ipinapayo na lubusan nang tanggalin.
Ang mga bansa tulad ng Malta at iba pang lugar sa Estados Unidos at United Kingdom ay patuloy pa rin ayon sa DOH na gumagamit ng face shields.
Senator Gordon, suportado ang pagtanggal sa face shield protocols
Samantala, suportado ni Senator Richard Gordon ang pagptatanggal o pagpapaluwag sa face shield protocols sa bansa kung saan sinabi nitong isa lamang itong accessory at hindi pangangailangan.
Ayon kay Gordon, parating mayroong nasa likod ng mga bagay at mayroon ding nagma-manufacture ng mga face shields.
Dagdag ni Gordon, magandang mayroong dagdag na pag-iingat ngunit hahayaan niya ang publiko kung magsusuot ang mga ito ng face shields.
Matatandaan na noong Disyembre nang pagsuotin ng pamahalaan ang publiko ng parehong face mask at face shield sa labas ng kanilang mga tahanan.
Kamakailan lamang nang iminungkahi din ni Manila Mayor Isko Moreno na tanggalin na ang mandatory face shield policy.
Gayunman, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na ang face shield ay dagdag proteksyon laban sa COVID-19.
PNP, patuloy pa rin na maninita sa mga hindi nagsusuot ng face shields
Patuloy pa rin na maninita ang Phillipine National Police (PNP) sa mga hindi nagsusuot ng face shields sa pampublikong lugar.
Ayon kay PNP Chief Pgen Guillermo Eleazar, naghihintay pa sila ng pormal na guidelines sa Inter Agency Task Force kung tuluyan na bang pahihintulutan ang hindi pagsusuot ng face shields.
Iginiit ni Eleazar na magbibigay pa rin ang kanilang hanay ng warnings at huhuliin kung kinakailangan ang sinumang tumangging magsuot ng face shields.
Dagdag pa ng hepe na susunod muna sila sa isinasaad na guidelines para maiwasan ang kalituhan ng publiko sa naturang usapin.
(BASAHIN: Mandatory na pagsusuot ng face shield at face mask sa mga siklista, ipinarerekonsidera)