DOH, pinag-iingat ang mga publiko sa banta ng dengue kasunod ng nalalapit na pasukan

DOH, pinag-iingat ang mga publiko sa banta ng dengue kasunod ng nalalapit na pasukan

PINAG-iingat ang mga publiko sa banta ng dengue kasunod ng nalalapit na pasukan ayon sa Department of Health (DOH).
Nagpalala si DOH Secretary Ted Herbosa ngayong nalalapit na ang pasukan.
Ayon sa kalihim, kailangan maging maingat ang mga guro, magulang at maging ang mga estudyante lalo na tuwing ‘ber’ months na dumarami ang kaso ng dengue sa bansa.
Sinabi pa ni Herbosa, dapat lamang na tiyakin ng mga pribado at pampublikong paaralan ang kalinisan sa kanilang komunidad gayong ito ay itinuturing na ikalawang tahanan.
Binigyang-diin ni Herbosa, na kailangan simula pa lang sa mga bahay ay matiyak na ang kalinisan sa kapaligiran para makontrol ang dami ng lamok.
Dahil kadalasang dumarami ang kaso ng dengue tuwing tag-tuyot at tag-ulan kung saan ginagawang breeding sites ng mga lamok ang iba’t ibang imbakan ng tubig.
Hinimok din ng opisyal ang mga magulang sa oras na makaranas ng sintomas ng dengue ang kanilang mga anak na huwag ng mag-atubiling magkonsulta ng espesyalista.
Kabilang sa mga sintomas ng dengue ay rashes at pabalik-balik na lagnat.
Samantala, wala namang nakikitang problema si Herbosa sa pagtapyas ng P10-B para sa kanilang 2023 budget.
Mula kasi sa P209.1-B na budget para sa 2023, magiging P199.1-B na lamang ang nakalaan para sa DOH base sa proposed 2024 budget ng Malacañang.
Gayunpaman, sinisiguro naman ni Herbosa na hindi ito makakahadlang sa kanilang departmento upang hindi magampanan ang kanilang mga serbisyo.
Hindi rin inaalis ng DOH ang posibilidad na ang naging basehan sa pagtapyas sa budget ay posibleng hindi naggastos lahat noong nakaraang taon.
Pero, bukas naman ang DOH sa posibilidad na maibalik sa kanila ang P10-B tapyas.