DOH Sec. Herbosa sa sobrang init: Umiwas sa outdoor activities

DOH Sec. Herbosa sa sobrang init: Umiwas sa outdoor activities

ARAW ng Martes ay umabot sa 42 degrees Celsius ang naranasang init o naitalang heat index sa malaking bahagi ng Metro Manila ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Parehong temperatura din ang naramdaman sa Northern Samar at Maguindanao.

Nasa 43 degrees Celsius naman sa Iloilo, Camarines Sur, Palawan, Cagayan, at Pangasinan.

Pero ang pinakamainit ay sa Capiz kung saan tinatayang umabot ito sa 44 degrees Celsius.

Dahil sa nakababahalang nararanasan na mainit na temperatura ay naglabas na ng payo ang Department of Health (DOH) tungkol dito.

Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, makabubuti para sa lahat na ugaliing uminom ng tubig.

Dapat din aniyang umiwas muna sa outdoor activities mula alas diyes hanggang alas kwatro ng hapon.

“Very important to hydrate. Mag apply ng sunblock kung ikaw ay sensitive in staying in the sun for long periods of time. ‘Yung mga activities na ginagawa outdoor. Kita nyo naman na may mga nahimatay di ba. So, it’s very important to prevent those activities,” ayon kay Sec. Ted Herbosa, Department of Health.

Maging ang mga senador ay naghayag na rin ng pagkabahala sa nararanasang mainit na panahon.

Ayon kay Sen. Grace Poe, dapat siguraduhin ng mga water concessionaire na may sapat na suplay ng tubig.

“The heat is on, water is on high demand, and without it, our health is at risk,” saad ni Sen. Grace Poe.

Posible aniya kasi na dadami ang magkakasakit kung mayroong kakulangan ng suplay nito.

Blended learning inirekomenda sa mga paaralan na apektado ng sobrang init na panahon

Si Sen. Win Gatchalian at Sen. Jinggoy Estrada ay ikinababahala naman ang kalagayan ng mga batang estudyante.

Bukod kasi sa mainit na panahon ay may umiiral na pertussis outbreak.

“Nais nating paalalahanan ang mga punong-guro na kung may banta sa kaligtasan ng ating mga mag-aaral, maaaring magpatupad ang mga paaralan ng blended learning lalo na’t pinangangambahan natin ang banta ng pertussis at mas mainit na panahon,” wika ni Sen. Win Gatchalian.

“Bukod sa mahirap tumutok sa pag-aaral dahil napakainit ng panahon, ang kapakanan ng mga kabataang mag-aaral ang dapat natin isaalang-alang sa ngayon,” ani Sen. Jinggoy Estrada.

Dahil dito ay nanawagan ang dalawa na magpatupad ng blended learning ang mga school principal lalo na kung sobrang init na sa kanilang lugar.

Sa ngayon ay anim na lokal na pamahalaan sa Western Visayas ang nagsuspinde na ng klase nitong Abril 1 dahil sa init ng panahon.

Nagsuspinde naman ang Iloilo City ng klase noong Abril 1 at ngayong Abril 2 mula pre-school hanggang senior high school dahil sa matinding init.

Upang matiyak ang pagpapatuloy ng edukasyon, nagpaalala ang mga mambabatas sa nakasaad sa Department of Education (DepEd) Order No. 037 s. 2022.

Dito nakasaad na kasunod ng pagkansela o pagsuspinde ng mga klase, maaaring magsagawa ng modular distance learning, performance tasks, o make-up classes ang mga paaralan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble