HINDI magpapatupad ang Department of Health (DOH) ng striktong mga panuntunan gaya noong panahon ng COVID pandemic.
Ito’y kahit anila may nadagdag sa mpox cases sa buong bansa.
Ibig sabihin, walang ipatutupad na mahigpit na border control, community quarantine o lockdown bilang paraan para labanan ang mpox.
Hindi rin magiging mandatory ang pagsuot ng facemask at face shield dahil hindi naman anila airborne ang mpox.
Ang pinakamagandang panglaban lang kontra mpox ayon sa ahensiya ay ang palaging paghuhugas ng kamay, paggamit ng alcohol sanitizers at pagsusuot ng long-sleeved garments para maprotektahan ang balat sa mga pampublikong lugar.
Sa ngayon, kasama na ang mpox sa listahan ng dangerous communicable diseases batay sa anunsiyo ng DOH.