BINIGYANG-diin ni Sen. Bato dela Rosa na hindi nakasaad sa diffusion notice mula sa International Criminal Court (ICC) na ibyahe agad si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa The Hague, Netherlands.
Ang diffusion notice lang aniya ay isang uri ng alerto o abiso na ibinibigay ng ICC sa mga estado o bansa upang ipabatid na may hinahanap silang indibidwal na pinaniniwalaang may kinalaman sa mga krimen na sakop nila tulad ng genocide, war crimes, crimes against humanity at iba pa.
Bagamat maaaring ma-extradite ani Dela Rosa ang isang itinuturing suspek halimbawa gaya ni FPRRD, dapat sana ay inantay na lang ang request ng ICC hinggil dito at hindi boluntaryong isinuko ang dating Pangulo.
Wala naman aniyang nakasaad sa diffusion notice na i-surrender ang isang suspek.
Subalit pilit na iginigiit ni DOJ Sec. Boying Remulla na legal ang kanilang ginagawang pagsuko.