MAGHAHAIN ng disciplinary case ang Department of Justice (DOJ) sa Korte Suprema laban sa mga abogado ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ayon kay DOJ Usec. Nicholas Ty, pekeng counter affidavit o kontra salaysay ang isinumite ng mga ito sa DOJ para kay Guo.
Una nang inamin ni Elmer Galicia, ang abogadong nag-notaryo ng counter affidavit ni Guo na walang ginawang physical appearance ang dating alkalde nang gawin niya ang notaryo noong Agosto 14 sa Bulacan.
Ayon kay Ty, maliban sa nagnotaryo ay damay mismo dito ang mga abogado ni Guo na silang nag-attach o naglagay ng notaryo sa isinumiteng counter affidavit ng mga ito.
Dagdag pa ni Ty, dahil sa pinahabol nilang kontra salaysay ay naantala ang paghahain ng kaso laban sa dating alkalde.
Matatandaan na sa dalawang pagdinig ng DOJ, bigo ang kampo ni Guo na makapagsumite ng counter affidavit.
Ayon kay Ty, dapat pasagutin ang mga abogadong ito sa proper forum dahil sa posibleng misbehaviour at upang hindi sila tularan ng iba pang abogado.