NADAGDAGAN ngayong araw ng pitong bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang Department of Justice (DOJ).
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, isailalim sa lockdown ang main office ng DOJ sa Padre Faura, Manila simula sa Biyernes, Marso 19 hanggang Martes, Marso 23.
Skeletal workforce lamang aniya ang papasok sa opisina.
Sinabi ni Guevarra, nakapagtala ng kabuuang 18 na kaso ng COVID-19 ang DOJ noong taon 2020 ngunit ngayong taon ay 17 ang naitalang aktibong kaso hanggang ngayong araw Marso 18, 2021.
Umabot naman sa kabuuang 35 kaso ng COVID-19 sa DOJ simula noong taong 2020.
Una nang naitala ang walong bagong kaso ng COVID-19 sa mga empleyado ng ahensiya noong Marso, 16 at nadagdagan pa ito ng isa pang kaso kahapon, Marso 17.
(BASAHIN: 1 pang kawani ng DOJ, nagpositibo sa COVID-19; main office, nanatiling sarado)
Samantala, nakapagtala ang Court of Appeals ng 18 aktibong kaso ng COVID-19 hanggang Marso 16.
Sarado rin ang mga opisina nito sa Biyernes, Marso 19 at sa Linggo, Marso 21, para sa disinfection.
Pinatutupad ng CA ang 50% skeletal workforce sa loob ng dalawang buwan ayon sa apruba ni Chief Justice Diosdado Peralta.
Sarado rin ang Sandiganbayan mula ngayong araw, Marso 18 hanggang sa Biyernes, Marso 19 para sa disinfection.
Maglilimita ito ng mga tauhan sa 50% workforce simula Marso 22 hanggang Marso 24.
Naitala sa nasabing tanggapan ang anim na aktibong kaso ng COVID-19 mula Marso 1 hanggang Marso 14 at 46 ang suspected cases o close contacts.