NAIS munang siguruhin ng Department of Justice (DOJ) na walang nakabinbing kaso dito sa Pilipinas ang naarestong mga Hapones na sina Watanabe Yuki, Imamura Kiyoto at 3 iba pa na matagal nang wanted sa Japan dahil sangkot sa malawakang nakawan doon, bago ito ideport pabalik sa kanilang bansa.
Ipinaliwanag ni DOJ spokesperson, Atty. Mico Clavano na hindi maaaring isakatuparan ang deportation proceeding kung may kinakaharap pang kaso ang isang dayuhan.
Kailangan anyang hintayin munang madismiss ang kaso bago atasan ng DOJ ang Bureau of Immigration (BI) para simulan ang summary deportation kaya sinisikap na ng DOJ na madaliin ang proseso para maisulong na ang deportation.
Nilinaw naman ni Clavano na kapag nadismiss na ang kaso ay posibleng abutin ng 10-15 araw bago madeport ang sinumang dayuhan.
Nag-ugat ang isyu makaraang natukoy ng mga otoridad ng Japan na sa Pilipinas nanggaling ang IP address ng mga sangkot sa mga insidente ng malaking nakawan sa Japan.