KAHAPON, araw ng Lunes, nagtapos ang palugit ng Korte Suprema sa gobyerno para sa sagot nito laban sa pinag-isang petisyon para sa habeas corpus ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sa halip na magkomento, naghain ng motion for recusal ang Office of the Solicitor General (OSG), isang hakbang na nangangahulugan ng pag-atras nito bilang kinatawan ng gobyerno sa kaso.
Ayaw rin ni SolGen Menardo Guevarra na ituring siyang respondent sa habeas corpus petition.
Dahil dito, naipasa sa Department of Justice (DOJ) ang responsibilidad na ipagtanggol ang gobyerno laban sa petisyon ng mga anak ni dating Pangulong Duterte.
Ayon kay Justice Secretary Boying Remulla, naisumite nila ang kanilang komento bago ang deadline kahapon.
“We are given the authorization by the Executive Secretary… na kami na ang sumagot.”
“’Yung dokumentong binigay namin, sapat na ‘yun para sagutin ang mga sinabi nila,” ayon kay Sec. Jesus Crispin Remulla, Department of Justice.
DOJ sa pagpapabalik kay FPRRD sa Pilipinas: “Wala na. It’s done deal already.”
Sa tanong kung maaari pa bang maibalik sa bansa ang dating Pangulo sakaling paboran ng Supreme Court ang habeas corpus, ito ang naging tugon ng kalihim:
“It’s done deal already… so sir, regardless ito… Andoon na siya eh,” saad ni Sec. Jesus Crispin Remulla, Department of Justice.
Samantala, tila nagbigay ng matapang na pahayag si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro kaugnay ng pag-atras ni SolGen Menardo Guevarra sa kaso, at ang posibilidad ng kaniyang pagpapatalsik sa puwesto.
“Mas maganda po kung mismo si SolGen ang mag-assess sa sarili niya kung siya pa po ba ay nararapat na tumayo bilang Solicitor General,” wika ni Usec. Claire Castro, Presidential Communications Office.
Sa isang mensahe sa media, sinabi naman ni SolGen Menardo Guevarra na kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang desisyon kung pananatilihin siya sa puwesto.
“The president alone can say if he still trusts me,” pahayag ni SolGen Menardo Guevarra, Office of the Solicitor General (OSG).
SolGen sa pag-atras sa habeas corpus petition: “The OSG is also the tribune of the people.”
Iginiit naman ni Guevarra na ang OSG ay hindi lamang abogado ng gobyerno, kundi tagapagtanggol din ng taumbayan.
“The OSG is not only the government’s counsel; it is also the tribune of the people,” giit ni Guevarra.
Matatandaang sa kaniyang manifestation and motion na isinumite sa Supreme Court, idiniin ni Guevarra na wala nang hurisdiksiyon sa Pilipinas ang International Criminal Court (ICC) at gumagana nang maayos ang hudikatura ng bansa—kaya hindi na aniya kailangan pang manghimasok ang ICC.
Si Guevarra ang nanungkulan bilang DOJ Secretary noong 2018, nang pormal na kumalas ang Pilipinas sa ICC.
Sa harap ng kontrobersiyang ito, nananatiling isang mahalagang usapin kung sino ang may tunay na responsibilidad sa pagtatanggol sa gobyerno—at paano ito makaaapekto sa mga pangunahing institusyon ng batas sa bansa. Sa pag-atras ng OSG at paghawak ng DOJ sa kaso, lumalabas ang mas malalim na tanong: Ano ang magiging epekto nito sa legal na laban ni dating Pangulong Duterte, at ano ang maaaring implikasyon nito sa tiwala ng publiko sa mga tagapagtanggol ng batas?
Ang hamon ngayon ay hindi lamang sa mga nasa kapangyarihan, kundi sa sistema ng hustisya mismo, at kung paano ito magtatakda ng precedent sa mga ganitong kaso sa hinaharap.