DOLE at DILG, nagtutulungan para sa pagkuha ng contact tracers

TINIYAK at nangako ang Department of Labor and Employment (DOLE) na makikipagtulungan sila sa mga local government units (LGUs) na nangangailangan ng mga contact tracers.

Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na nakipag-ugnayan na siya sa Department of Interior and Local Government (DILG) at nangakong maglalaan at magtatalaga siya ng mga contact tracers sa mga LGUs na pasuswelduhin sa pamamagitan ng tulong panghanapbuhay para sa displaced/disadvantaged o TUPAD program ng DOLE at pamahalaan.

Kaugnay nito, inatasan at binigyang kapangyarihan ni Bello ang mga DOLE regional directors sa pag-apruba sakaling may mga mayors na mag-request ng mga tauhan mula sa TUPAD beneficiaries para gawing mga contact tracers sa kanilang syudad o munisipalidad.

Alam anya ni Bello na namomroblema ang DILG sa pondo para sa contact tracing ng mga LGUs, kaya inialok niya ang TUPAD program na bukod sa nakapagbigay na sila ng emergency employment sa mga nawalan ng trabaho dahil sa pandemya ay makatutulong pa sila sa pagkontrol ng pagkalat ng virus sa pamamagitan ng contact tracing.

(BASAHIN: Pagkuha ng karagdagang contact tracers, sisimulan na)

SMNI NEWS