IPINALIWANAG ng Department of Labor and Employment (DOLE) na tanging ang mga probinsya lamang sa Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM) ang sakop ng regular non-working holiday at hindi kasama ang mga Muslim na nagtatrabaho sa labas ng nasabing rehiyon.
Ito ay kaugnay sa deklarasyon ng BARMM na walang pasok bukas sa trabaho sa lahat ng mga government offices na sakop nito.
Ito ay dahil dalawang mahalagang aktibidad ang gugunitain at ito ay ang Maulid un-Nabi sa ilalim ng Presidential Decree No. 1083 o mas kilala sa Code of Muslim Personal Laws of the Philippines at ang Rabi’ul-Awwal.
Ang Maulid un-Nabi ay pagdiriwang sa araw ng kapanganakan ni Propeta Mohammed habang ang Rabi’ul-Awwal ay buwan ng kapanganakan ng Mahal na Propeta.
Sinabi ng DOLE na sakaling may mga kompanya na magpapatrabaho sa kanilang mga empleyado na sakop ng BARMM ay obligado ang mga ito na sundin ang labor code ng Pilipinas sa pagbabayad nang tamang pasweldo kapag holiday.