DOLE Secretary Bello, may babala sa minimum wage hike

PAG-aaralan muna ng mabuti ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang petisyon ng mga empleyado na magpatupad ng minimum wage hike.

Sa pahayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III ngayong araw, aniya maaaring hindi kakayanin ng mga employer kung ito ay aaprubahan ng ahensiya

“If we will grant or recommend the approval of the petition na tataasan yung sweldo from P537 to P700 o P750, baka hindi makayanan ng mga employers,” pahayag ni Bello.

Ayon sa kalihim, posibleng magdudulot ng pagtaas pa ng unemployment rate sa bansa ang minimum wage hike dahil maaaring mapilitan ang ibang employers na isara na lang ang kanilang negosyo.

“We have to be very careful. Otherwise, we will again increase the unemployment rate. That is the worst situation as far as our employees are concerned,” paalala ni Bello.

Giit ni Secretary Bello dapat pag-aralan muna ito ng ahensiya bago pa man sila gumawa ng hakbangin.

“Kaya kailangan talaga pag-aralan natin mabuti before we make any drastic move. Kailangan dito masusing pag-aaral. Can the employers afford it? If they can, then by all means, we will recommend, we will adapt the petition of the workers,” ani Bello.

Saad pa ng kalihim mas importante sa ngayon ay ang mapanatili ang employment status ng mga emplayado kumpara sa salary increase lalo na ngayon na maraming job cuts sa gitna ng pandemya.

Hinihiling ng maraming trabahante ang karagdagang sweldo dahil na rin sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Sa kasalukuyan ay nasa P500 hanggang P537 ang pinakamataas na minimum wage sa Metro Manila.

Tila hindi ito sapat sa pang-araw araw na gastusin dahil tumaas na rin ang presyo ng mga bilihin.

Samantala, sinabi naman ni Bello hindi pa nakarating sa opisina ng DOLE ang kopya ng petisyon hinggil hirit na taas sahod ng mga manggagawa.

SMNI NEWS