Dolomite beach, walang kinalaman sa pagbaha sa Taft Ave – MMDA

Dolomite beach, walang kinalaman sa pagbaha sa Taft Ave – MMDA

PINASINUNGALINGAN ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na dolomite beach ang dahilan ng pagbaha ng Taft Avenue matapos umulan noong Biyernes.

Pagdidiin ni MMDA acting General Manager Director Baltazar Melgar  na walang kinalaman ang dolomite sa pagbaha.

Paliwanag ni Melgar na ang dahilan ng pagbaha ay ang hindi pa natatapos na pumping stations na ginagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa bawat main drainage system kabilang ang Padre Faura Drainage Main, Remedios Drainage Main at Estero de San Antonio Abad.

“Walang kinalaman ang Dolomite doon sa pagbaha sa Malate area kundi ‘yung ginagawa na pumping station at pipeline ng DPWH,” pahayag ni Melgar.

Dahil dito, hindi pa makapag-discharge ng tubig ang tatlong main drainage systems sa Manila Bay.

“Ang cause po ng delay ng pag-subside ng baha diyan sa Malate area ‘yung hindi pa kasi kumpleto ang ginawang pumping station ng DPWH. So, sa ngayon kasi dina-divert namin ang flow niyan imbes na diretso sa Manila Bay, dina-divert namin papuntang Pasig River. Kasi ginagawa pa ‘yung pumping station ng Department of Public Works and Highways at hindi pa rin natatapos. Once na matapos po ‘yan maayos na po ‘yung ating lugar na ‘yan tungkol sa baha,” paliwanag ni Melgar.

Dagdag pa ni Melgar may pag-uusap na ang MMDA at ang DPWH upang pansamantalang mabigyan ng solusyon ang pagbaha sa nasabing lugar habang tinatapos pa ang mga pumping station.

“Mayroon na kaming pag-uusap ng DPWH, maglagay muna ng mobile pump para i-pump out ang tubig para ‘yun ay idischarge muna natin pansamantala sa Manila Bay muna instead na dina-divert nating papuntang Pasig River,” ani Melgar.

Follow SMNI News on Twitter