SA halip na grupo ng mga rescuer, cash na lang ang ipadadala ng Pilipinas sa bansang Syria, bilang tulong ng gobyerno sa mga apektado ng lindol sa nasabing bansa.
Ito’y matapos na mapagdesisyunan ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of Foreign Affairs (DFA) na pera na lang ang ipaabot na tulong nito para sa mga apektado ng lindol sa lugar.
Ayon sa panayam sa tagapagsalita ng Office of Civil Defense Asec. Raffy Alejandro, inaalam na lang ngayon kung magkano ang halaga ng ipadadala sa nasabing bansa.
“Oh we are just waiting, actually ‘yung DFA is already waiting for the approval kasi, ang intend is to send cash donation, so inaantay lang natin. Di ko lang alam magkano,” ani Asec Raffy Alejandro, spokesperson, OCD-NDRRMC.
Batay sa impormasyon, posibleng manggaling sa tanggapan ng Presidente o sa DFA ang pondong pagkukuhanan para sa nasabing donasyon pero tiniyak ng pamahalaan na makararating ang tulong para sa Syria.
Samantala, patuloy na nadadagdagan pa ang bilang ng mga narerekober na mga bangkay ng Philippine contingent sa bansang Turkiye habang daan-daan na rin ang nalalapatan ng paunang lunas sa mga biktima ng lindol sa bansa.
“They are now on their six day, tuluy-tuloy pa rin, but, ‘yun nga, medyo more on retrieval na sila. Based sa report no, dead bodies na lang ang nare-retrieve. ‘Yung ating medical naman so far they have treated more than 250 patients at tuluy-tuloy ang operations nila,” dagdag ni Alejandro.
Bagamat dismayado dahil sa patuloy na pagdami ng bilang ng mga namatay sa trahedyang ito, umaasa pa rin ang mga kinatawan ng Pilipinas na mayroon silang maisasalbang buhay mula sa mga gumuhong gusali sa Turkiye.
“Tuluy-tuloy pa ‘yan, may one week pa sila before we finally send them home. So, base naman sa timeline na ibinigay natin sa mission nila na two weeks not more than three weeks,” ani Alejandro.
Sa huli, nilinaw ng pamahalaan na sapat ang bilang ng araw na inilaan sa Pinoy rescuers sa Turkiye para sa kanilang operasyon doon, kaya hindi na rin anila kailangan na magtagal pa ang grupo gayong tuluy-tuloy pa rin ang pagbuhos ng tulong dito mula sa iba’t ibang bansa.