NASA 192 na medical frontliners sa mula sa iba’t ibang ospital sa Quezon City ang makikinabang sa natapos nang cluster dormitories na ginawa ng pamahalaan.
Sa pangunguna ng Department of Public Works and Highways, isa ang Quezon City Memorial Circle sa mga lugar sa Metro Manila na natukoy para pagtayuan ng nasabing mga dormitoryo para sa medical frontliners sa lungsod.
Ang bawat dormitoryo ay binubuo ng 16 rooms na may sariling toilet at paliguan na may hot and cold water supply.
Bawat kwarto ay maaaring may dalawang tao o katumbas ng 32 katao kada dormitoryo
Matatandaan sa isang Laging Handa Briefing sa Malakanyang, sinabi ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar na tuloy-tuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang lungsod at rehiyon sa bansa para kumalap ng suporta mula sa lokal na gobyerno para mabigyan ng maayos na pahingahan ang mga medical frontliners na lumalaban kontra COVID-19 sa bansa.
“We are looking for locations in major cities such as Cebu, Tacloban, Samar. We continue to coordinate with the different LGUs.” Sec. Mark Villar, DPWH
Batid din mismo ng kalihim na hirap na ang mga frontliners sa kanilang pagbiyahe pauwi at pabalik sa kanilang mga tahanan at pinagtatrabahuhang ospital.
Kaya naman makatutulong aniya ito na mabawasan ang pagod ng mga tinaguriang bagong bayani sa gitna ng pandemiya
“Hirap po ang ating mga front-liners sa pagbiyahe kaya mahalaga po ang ganitong klase ng pasilidad at kami po naman ay tuloy-tuloy ang pagsasagawa ng construction ng ganitong mga facilities.” Sec. Mark Villar, DPWH
Pawang mga doctors, nurses, at iba pang medical professionals na nagtatrabaho sa city based hospitals sa Quezon City ang prayoridad sa nasabing dormitory.
Ito’y mga nanggagaling sa National Kidney and Transplant Institute, Philippine Heart Center, East Avenue Medical Center, Veterans Memorial Hospital, Children’s Hospital, at V. Luna General Hospital