MULING sasagutin ng Department of Tourism (DOT) ang 50% ng halaga ng swab test para sa qualified domestic tourists.
Inanunsyo ng ahensya na ibabalik nito ang programa dahil sa inaprubahan na ng nasyonal na pamahalaan ang leisure travel para sa lahat ng indibidwal sa pagitan ng mga lugar sa NCR Plus Bubble at mga lugar na napasailalim sa Modified General Community Quarantine(MGCQ).
Sinabi ni Tourism Secretary Bernadette Romulo Puyat na ang programa ay ipinatupad sa pamamagitan ng marketing at promotions arm na tourism promotions board ng DOT.
Ayon kay Puyat, layon ng subsidiya na mahikayat ang domestic travel sa pamamagitan ng pagtulong sa mga turista na matupad ang RT-PCR test requirement upang mas madaling makabisita ang mga turista sa destinasyon na nais nito nang mas mura.
Sinabi rin ng ahensya na ang mga indibidwal na makakumpleto ang mga basic requirements ay magkakaroon ng kumpirmadong round trip transportation tickets at booking confirmation sa DOT-accredited accommodation establishment at maaaring maging benepisyaryo ng programa.
Samantala, pinaalalahanan ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar ang publiko na maging pamilyar sa mga health rules at regulasyon laban sa COVID-19 ng mga destinasyong nais nitong puntahan.
Sa isang pahayag, sinabi ni Eleazar na may ilang lokal na pamahalaan na nagpapatupad ng sarili nitong panuntunan pagdating sa pagtanggap ng mga turista sa kanilang mga nasasakupan.
Pinaalalahanan din ni Eleazar ang publiko na ipagpatuloy ang pagsunod sa minimum public health safety standards laban sa COVID-19 kahit na mas pinaluwag na ang restriksyon.
Matatandaan na noong Martes nang inanunsyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque na niluwagan na ng pamahalaan ang COIVD-19 restrictions sa domestic travel.