NAGKASUNDO ang Department of Transportation (DOTr) at isang fiber broadband network provider na Converge na maglagay ng libreng WiFi para sa publiko.
Ito ay ikakabit sa mga passenger terminal ng 9 na international at domestic airports sa buong bansa.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, ang naturang kasunduan ay magbibigay ng maayos na connectivity services sa mga airport.
Maging sa mga attached agencies ng DOTr ay nakipagsundo rin sa nasabing network provider gaya ng CAAP, Mactan-Cebu International Airport Authority, Manila International Airport Authority (MIAA) at Davao International Airport Authority.
Sakop ng libreng WiFi connection ang arrival at departure areas ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Francisco Bangoy International Airport at Mactan-Cebu International Airport.
Sakop din ng proyekto ang ilang paliparan na pinapatakbo ng CAAP, kabilang ang Bacolod-Silay Airport, Iloilo International Airport, Laoag International Airport, Pagadian Airport, Tacloban Airport at Zamboanga International Airport.
Sa ilalim ng partnership, magbibigay ang Converge ng libre at secure na serbisyo sa internet sa loob ng 60 minuto sa bawat rehistradong user.