SINISIGURO ni Transportation Secretary Jaime Bautista na bukas ang linya ng kanilang komunikasyon para pag-usapan ang pagpapatupad ng PUV modernization program.
Kasunod ito sa isinagawang tigil-pasada ng ilang grupo nitong Lunes.
Sa isang pahayag, umapela ang Department of Transportation (DOTr) chief sa mga grupo na nasa likod ng strike na pag-usapan ang hinaing sa pagpapatupad ng programa.
Naniniwala ang kalihim na kayang maresolba ang mga isyu sa pamamagitan ng tapat na pag-uusap.
Sinabi pa ni Bautista na ilang ulit niyang sinubukang kausapin ang lider ng PISTON upang maitama ang maling impormasyon patungkol sa PUV modernization program.
Una na ring nilinaw ng opisyal na sa ilalim ng PUV modernization program, kinakailangan na magsama-sama ang mga tsuper at operator sa isang kooperatiba o korporasyon.
Ang kooperatiba naman ay makakapag-avail ng financial assistance bukod pa ‘yung tulong ng pamahalaan para i-upgrade o i-modernize ang kanilang mga unit.