DOTr: EDSA rehab iuurong sa Abril; aasahan ang matinding trapik

DOTr: EDSA rehab iuurong sa Abril; aasahan ang matinding trapik

MAS matinding trapiko ang aasahan ng mga motorista sa EDSA oras na magsimula ang rehabilitasyon nito, ayon kay Vince Dizon, Secretary ng Department of Transportation (DOTr).

Bagama’t araw-araw nang ramdam ang bigat ng daloy ng trapiko sa EDSA, lalo pa itong titindi sa susunod na buwan. Pero paglilinaw ng kalihim, hindi pa agad mararamdaman ang epekto nito ngayong Marso.

May mga kailangan pa aniyang ayusin kaya’t ipinagpaliban ng gobyerno ang pagsisimula ng rehabilitasyon ng Marso.

“Dapat sana March, kaya lang may mga kailangan pang ayusin at siyempre, kailangan pa nating magplano muna,” pahayag ni Sec. Vince Dizon, DOTr.

“Mahirap kasing magplano nang pache-pache. Kailangan ng malinaw na plano kasi isang taon ito,” dagdag niyang paliwanag.

“Ire-rehab ang buong EDSA—hindi biro itong trabahong ito. Siyempre, hindi na kami magpapaligoy-ligoy o magkukunwari. Mabigat na trabaho ‘yan, may epekto ‘yan sa trapik, sinasabi na natin ngayon,” aniya pa.

Kasunod nito, makikipagpulong ang DOTr sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) upang plantsahin ang mga alituntunin ng proyekto.

Ayon sa MMDA, maglalabas sila ng mga traffic advisories at rerouting schemes upang mabawasan ang epekto ng matinding trapiko.

“Lahat magtutulungan, pati mga LGU. Itong EDSA rehab ay magreresulta sa mabigat na daloy ng trapiko. Kaya, ang magagawa namin ay i-manage ito—lalo na sa rerouting advisories para ma-mitigate ang epekto,” pahayag ni Atty. Romando Artes, MMDA Chairman.

Target ng DOTr na ianunsiyo sa mga susunod na linggo ang mga detalye ng EDSA rehab.

Samantala, bukas na sa commuters ang EDSA Busway Concourse sa SM North EDSA—isang proyekto mula sa pribadong sektor na naglalayong mapabuti ang access ng mga mananakay sa pampublikong transportasyon.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble