DOTr, ikinatuwa ang pagkapili ng Clark Int’l Airport sa prestihiyosong Prix Versailles

DOTr, ikinatuwa ang pagkapili ng Clark Int’l Airport sa prestihiyosong Prix Versailles

NAPILI ang Clark International Airport Terminal building bilang isa sa anim na paliparan sa buong mundo na lalaban sa prestihiyosong Prix Versailles 2021 World Architecture and Design Award Finale.

Ikinatuwa ng Department of Transportation ang pagkakanominado ng bagong Clark International Airport sa Prix Versailles kung saan daan-daang building projects sa buong mundo ang maglalaban-laban para tanghalin best architecture and design project.

Ibinahagi ni Department of Transportion Sec. Arthur Tugade sa kanyang Facebook Page ang magandang balita na isa ang Clark International Airport sa Pampanga sa mga finalists para sa Prix Versaille, isang prestihiyosong annual world selection sa Paris, France.

Ayon kay Tugade, ang manominado ng isang prestigious award-giving body ay isang malaking karangalan hindi lang bilang bahagi ng DOTr, pero bilang isang Pilipino rin.

Iginiit ng kalihim na ang pagkilala sa  bagong Clark International Airport ay isang malaking motibasyon para sa kanila na ipagpatuloy ang kanilang mga ginagawang proyekto.

Daan-daang mga proyekto na nakumpleto noong 2020 ang maglalaban-laban sa Prix Versailles World Finale.

Kasama sa mga finalist ngayong taon ang anim na paliparan, anim na sports facility, anim na university campuses, at anim na passenger stations.

Sa ilalim ng kategoryang Prix Versailles Airport 2021, ang Clark International Airport ay makikipagtunggali laban sa mga world-class airport sa buong mundo, kagaya ng Berlin Brandenburg Airport Willy Brandt sa Germany; Athens International Airport sa Greece; Hazrat Sultan International Airport sa Kazakhstan; New Plymouth Airport sa New Zealand, at LaGuardia Airport – Terminal B sa Amerika.

Iaanunsyo ang mga nanalo sa Nobyembre o simula ng Disyembre 2021 ayon sa French-based organization.

Magugunitang nakumpleto ang bagong passenger terminal building ng Clark International Airport noong July 2021.

Ayon kay DOTR Sec. Art Tugade, ang terminal na ito ay magiging daan upang makilala ang Clark bilang “Asia’s Next Premier Gateway”.

Makabago at contactless naman ang mga features nito gaya ng self check-in, self bag drop, at maging sa pag-order ng pagkain.

Tanging ang Clark International Airport lamang ang nakapasok sa Prix Versailles 2021 sa buong Southeast Asia. Ito rin ang unang pagkakataon na nakapasok ang Pilipinas sa listahan ng Prix Versailles.

SMNI NEWS