NAGKAROON ng pulong sa Malakanyang kamakailan kung saan nakasentro ang usapin sa Comprehensive Traffic Management Plan para sa National Capital Region (NCR) at mga kalapit na lalawigan.
Sa naturang pulong, sinabi ni Road Transport and Infrastructure Undersecretary Jesus Ferdinand “Andy” Ortega ng Department of Transportation (DOTr), na ang bawat ahensiya ay nag-iisip ng paraan kung paano aayusin ang sitwasyon ng trapiko lalo na sa NCR.
Iba’t ibang mga panukala o suhestiyon ang natalakay sa pagpupulong kasama ang mga kalihim ng Department of the Interior and Local Government, Department of Public Works and Highways, DOTr pati na rin ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
“It shows the seriousness and parang activism ng bawat ahensiya.”
“But more than mapaganda ang traffic, maging accessible at magkaroon tayo ng mga sasakyan sa karamihan ng ating commuters,” wika ni Usec. Jesus Ferdinand ‘Andy’ Ortega, Road Transport and Infrastructure, Department of Transportation.
Ibinahagi ni MMDA Chair Romando Artes sa isang pulong-balitaan na napag-usapan ang mungkahing tanggalin ang EDSA busway sa sandaling mapalawak ang kapasidad ng Metro Rail Transit 3 (MRT-3), na tumatakbo rin sa EDSA.
Kasalukuyang may tatlong bagon sa bawat biyahe ng MRT 3 at pinaplanong gawin itong apat para madagdagan ng 30% ang kapasidad ng tren.
“I-emphasize ko lang, ito po ay suggestion lamang and ang primary factor po diyan nga–again, uulitin ko po, ay kung kaya na ng MRT na i-accommodate lahat ng passengers including iyon pong nasa… sumasakay ng Bus Carousel. So, until mangyari iyan, hindi po aalisin ang Bus Carousel,” saad ni Atty. Romando Artes, Chairperson, Metropolitan Manila Development Authority.
Ngunit ang naturang suhestiyon ay taliwas sa nais mangyari ng DOTr.
Inihayag ni Usec. Ortega na sa parte ng ahensiya, target nilang isailalim ang proyekto sa private-public partnership at palawigin pa ito.
Nais aniya ng DOTr na i-extend pa ang EDSA bus lane sa northern, eastern, at southern part ng NCR.
“Definitely mapag-uusapan, ngunit tungkol sa ating bus lane, napakarami nang sumasakay sa bus lane, sa bus carousel na iyan.”
“And definitely it will attract more passengers, it will be convenient to more passengers because it has shown its success and definitely it will move forward,” ani Ortega.
EDSA busway, nananatiling isa sa pinakamahusay na public road transport system sa NCR—DOTr
Bukod sa naging pahayag ni Ortega, naglabas din ng statement ang DOTr sa kanilang official social media page ilang oras matapos ang briefing ng MMDA.
Nakasaad rito na naniniwala ang DOTr na ang EDSA busway ay nananatiling isa sa pinakamahusay na public road transport system sa Metro Manila.
Inilahad ng ahensiya na mahigit 63 milyong commuters ang naglakbay sa kahabaan ng EDSA busway noong 2024.
Matatandaang inilunsad sa ilalim ng administrasyong Duterte ang EDSA Bus Carousel o EDSA Busway sa kasagsagan ng pandemya noong 2020.
Follow SMNI News on Rumble