DOTr pinag-aaralan ang regular na fuel subsidy

DOTr pinag-aaralan ang regular na fuel subsidy

SA harap ng walang patid na paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, na pinalalala pa ng mga krisis at tensiyon sa Gitnang Silangan, isa sa mga pangunahing hakbang ng pamahalaan ay ang pagbibigay ng fuel subsidy sa mga apektadong sektor ng transportasyon.

Bagama’t pansamantalang solusyon pa lamang ito sa ngayon, aminado ang Department of Transportation (DOTr) na masusi na nilang pinag-aaralan kung paano ito maisasama bilang isang institusyonalisadong programa ng gobyerno.

Ayon kay DOTr Spokesperson Assistant Secretary Mon Ilagan, layunin ng nasabing hakbang na magbigay ng pangmatagalang tulong at proteksiyon sa mga operator, driver, at maging sa mga mananakay na direktang naaapektuhan ng oil price hike.

“Pinag-aaralan po natin iyan sa ngayon pero ang sinisiguro natin ay dapat agad-agad nating ma-disburse ang pera para sa ating transport sector para kahit papaano naman po ay ma-mitigate naman ang epekto ng oil price hike,” wika ni Asec. Mon Ilagan, Spokesperson, DOTr.

Ipinaliwanag pa ni Ilagan na dinisenyo ang subsidy program upang maging mabilisang tulong sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis. Hindi lang ito nakatutok sa mga tsuper at operator, kundi pati na rin sa mga commuter na maaaring maapektuhan ng posibleng taas-pasahe.

Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na may kaugnayan sa tensiyon sa pagitan ng Iran at Israel, sinabi ng opisyal na lalong naging mahalaga ang agarang implementasyon ng fuel subsidy.

“At siguro, itong programa pong ito ay talagang nakadisenyo iyan at maaaring i-institutionalize po iyan dahil kung patuloy na magtataas ay talaga ho namang nandiyan din ang tulong at ang programa ng ating pamahalaan,” dagdag ni Ilagan.

Sa ngayon, binibilisan ng DOTr ang pagbuo ng guidelines para sa implementasyon ng subsidy, upang agad itong maipaabot sa mga pinaka-apektadong sektor.

Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na rin ang DOTr sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan kabilang ang DILG, LTFRB, Landbank of the Philippines, at DICT upang tiyaking magiging maayos at mabilis ang pagproseso ng ayudang ito.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble