INIHAYAG ni Transportation Secretary Jaime Bautista na sa loob ng 100 days sa ilalim ng administrasyong Marcos ay patuloy na pinahuhusay nito at tinutugunan ang pangangailangan ng mga Pilipino sa larangan ng aviation.
Ayon kay Bautista, marami pang mga proyekto ang Department of Transportation (DOTr) sa sektor ng aviation na makatutulong sa pagtaas ng turismo sa bansa.
Aniya, tinutugunan ng kagawaran ang mga pangangailangan ng mga Pilipino kaugnay sa air connectivity sa pamamagitan ng pagpapataas ng kapasidad at pagdagdag ng mga paliparan sa bansa.
Gaya na lamang aniya ang nagpapatuloy na construction sa New Manila International Airport sa Bulacan.
Ang naturang paliparan ay nagkakahalaga ng P735 milyon na pinangunahan ng San Miguel Corporation.
Sa bagong paliparan na ito inaasahan na mapapawi ang siksikan sa NAIA at Clark International Airport.
Ipinagmamalaki rin ni Bautista ang bagong bukas na New Passenger Terminal Building ng Clark International Airport.
Ang magandang disenyo ng paliparan ay kayang tumanggap ng hanggang walong milyong pasahero taun-taon.
Inaasahan ding magpapalakas ito sa mga negosyo at aktibidad sa turismo sa Central at Northern Luzon.
Bukod dito, inaasahan din ang pagtatayo ng Sangley Airport na magsisimula sa susunod na taon na nagkakahalaga ng nasa P500 milyon.
Noong nakaraang buwan, ibinalik ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang awtoridad sa pamamahala ng anim na paliparan sa Mindanao sa Bangsamoro Airport Authority na nasa ilalim ng Ministry of Transportation and Communications ng Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM).
Sa hakbang na ito, maisusulong ng BARMM ang pagpapaunlad ng imprastraktura ng paliparan upang suportahan ang paglago ng ekonomiya ng rehiyong iyon.
Sa loob din ng unang 100 days natapos na rin ang mga proyekto sa pagpapaunlad ng paliparan para sa Catbalogan Airport, General Santos Airport at Laguindingan Airport.
Noong nakaraang Agosto, matagumpay na naipasa ng Office of Transport Security ang pagtatasa na isinagawa ng US Transport Security Administration, na nagpapatunay na ang mga paliparan sa Maynila at mga airline na bumibiyahe patungo sa US mula Manila ay sumusunod sa mga pamantayan ng International Civil Aviation Organization gayundin sa mga regulasyon ng US TSA.