KASUNOD ng pagbisita sa mga binahang lugar sa Bulacan at Pampanga, inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na aksiyunan ang mga alalahanin ng mga residente partikular na ang pagbaha sa mga kalsada patungo sa mga nabanggit na probinsiya.
Sinabi ni DPWH Secretary Manuel Bonoan sa Palace briefing na inatasan ng Pangulo ang departamento na lutasin ang pagbaha sa isang bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX) bridge na nag-uugnay sa dalawang lalawigan.
Aniya, itinuring ng Pangulo ang proyekto bilang isang ‘urgent matter’ na personal niyang aasikasuhin.
“We are hoping that, sabi nga ni Presidente this is going to be a very urgent matter and he will attend to it. In the next few weeks siguro makakuha na kami ng pondo for that matter,” ayon kay Sec. Manuel Bonoan, DPWH.
Inaasahan namang matatapos ang proyekto sa loob ng ilang buwan.
“Hindi naman masyadong mabigat na trabaho iyan because it’s an existing bridge, we just have to jack it up, maiakyat namin ng about .7 meters yata iyong gagawin and then consequently kapag naitaas namin, sila naman sa NLEX itataas din nila iyong pavement nila. Ganoon po iyong arrangement naming,” dagdag ni Bonoan.
Isinalaysay pa ni Bonoan na magkakaroon ng teknikal na pag-aaral upang ipatupad ang impounding area program para sa mas permanente at pangmatagalang solusyon.
“Sabi nga ng Presidente iyong desilting and dredging activity will just be short term but the longer-term program is actually to find a long lasting solution to the problems in Pampanga ad Bulacan. So, one of the ideas or the concepts that had been floated up during the discussion is actually iyong impounding area in the Candaba swamp,” ani Bonoan.
Tumugon din si Bonoan sa tanong kaugnay ng pagbara sa mga daluyan ng tubig sa Bulacan, sabay sumang-ayon na dapat itong panatilihing bukas at ligtas mula sa mga debris.
Binigyang-diin ng DPWH chief ang pangangailangang dagdagan ang carrying capacity ng mga ilog sa Bulacan upang mapabilis ang daloy ng tubig-baha na umaagos sa Manila Bay.