TARGET ng Commission on Elections (COMELEC) na maipapasa sa Kongreso ang panukalang pagbabago sa buong Omnibus Election Code sa katapusan ng taon.
Sa pahayag ni COMELEC chairperson George Garcia, layon nilang mapalakas ang kanilang awtoridad na makapag-aresto sa mga lumalabag sa election laws.
Partikular na dito ang mga may multiple registration at mga nasasangkot sa vote buying at vote selling o sa bentahan ng boto.
Kabilang din sa nais nilang alisin na probisyon sa kasalukuyang election code ang pagbabawal sa pag-aresto sa panahon ng campaign period.
Ayon kay Garcia, magbibigay sila ng awtorisasyon sa PNP na arestuhin ang mga namimili o nagbebenta ng boto na caught in the act.
Kabilang sa mga binanggit ni Garcia na maituturing na vote buying o vote selling ay kapag ang isang indibidwal ay nakikita sa loob ng bahay ng kandidato bago ang araw ng eleksiyon;
At kapag ang isang indibidwal ay magpapadala ng pera mula 200 pesos pataas sa mga tao sa panahon ng halalan.
Bukod pa dito, makikipag-ugnayan din ang COMELEC sa Bangko Sentral ng Pilipinas at sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) para tukuyin ang mga indibidwal na gumagamit ng modernong paraan ng pagbili ng boto tulad ng money transfer.