Drayber at may-ari ng SUV na umararo sa 12 sasakyan sa Mandaluyong City, iimbestigahan na ng LTO

Drayber at may-ari ng SUV na umararo sa 12 sasakyan sa Mandaluyong City, iimbestigahan na ng LTO

NAGPALABAS na ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa may-ari at drayber ng SUV na umararo sa tinatayang 12 sasakyan sa One San Miguel Avenue, Barangay Wack Wack, Mandaluyong City.

Ipinahaharap ang may-ari ng SUV gayundin ang dalawang sinasabing drayber sa tanggapan ng LTO Intelligence and Investigation Division (IID)sa darating na Enero 16 ng alas-2 ng hapon.

Pinagsusumite rin ng LTO ng paliwanag ang dalawang drayber ng SUV hinggil sa kung bakit hindi sila dapat na madiin sa kasong ‘reckless driving’.

At kung bakit hindi rin kailangang mabawi ang driver’s license ng mga ito bunsod ng pagiging ‘improper person to operate a motor vehicle’.

Lisensya ng drayber, suspendido ng 90-araw

Iniutos na rin ng IID ang suspensyon ng 90-araw at pagsusuko ng lisensya ng dalawang drayber.

Ito ay upang hindi makapagmaneho ang mga ito habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Matatandaang, umabot sa 13 drayber at pasahero ang nasugatan matapos na araruhin ng SUV ang 12 nakahimpil na sasakyan matapos sumalpok sa isang poste sa center island ng One San Miguel Avenue.

Follow SMNI NEWS in Twitter