Drayber ng 2 AWOL na pulis na suspek sa pagpatay at pagkawala ng beauty queen, ikinanta ang krimen

Drayber ng 2 AWOL na pulis na suspek sa pagpatay at pagkawala ng beauty queen, ikinanta ang krimen

NANINIWALA ang mga awtoridad na hindi na kinaya ng drayber ng dalawang Absent Without Official Leave (AWOL) na pulis ang ginawa nito sa beauty queen contestant na si Geneva Lopez at fiance nitong Israeli national matapos silang mawala noong nakaraang buwan ng Hunyo at matagpuang malalamig na bangkay sa isang lugar sa Tarlac makalipas ang higit sa dalawang linggo.

Sa panayam ng media, kinumpirma mismo ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Maj. Gen. Leo Francisco, na isa sa mga nagbigay ng mahalagang impormasyon sa kanila ang mismong drayber ng dawalang ex-police para matunton ang mga kinaroroonan ng mga suspek.

Ayon sa heneral, nasa kostudiya na nila ang testigo ngunit kailangan pang tingnan kung ano ang partisipasyon nito sa krimen.

“Yun ‘yung aming ginawang witness. Nasa custody namin. (Yung driver?) Isa lang siya sa mga nagbigay ng impormasyon pero tinitingnan namin kung ano pa ‘yung participation niya kaya hindi pa rin siya ‘yung sasabihin natin na off the hook na clear kung ‘di undergoing pa ‘yung digging up tungkol sa real participation niya,” ayon kay PMGen. Leo Francisco, Director, CIDG.

Sa salaysay ni alyas Jess, inupahan umano siyang magmaneho ng isang SUV ng dalawang principal suspek.

Laking gulat umano ni Jess nang makitang may dalawang bangkay sa likod ng sasakyan pero dahil sa takot na madamay ay sumunod na lang umano siya sa utos ng dalawang dating pulis.

Si Jess din ang nag-guide kung saan ililibing ang mga biktima at nakarating sila sa isang bakanteng quarry site sa isang bakanteng lote sa Barangay Sta. Lucia, Capas Tarlac kung saan nila ibinaon ang magkasintahan.

Sa kabila ng mga isiniwalat na impormasyon, nilinaw ng PNP na hindi pa rin lusot sa kaso ang witness bilang isa sa mga itinuturing na persons of interest (POI).

“Kasama pa rin siya. Hindi pa natin talaga dinidiscount ‘yung possibility na lahat sila ay may participation dahil ongoing pa ‘yung mga ginagawa nating investigation,” ani Francisco.

Mahigit 7 persons of interest sa pagpatay at pagkawala ng isang beauty queen at fiance nito sa Pampanga, kinumpirma ng PNP

Ayon naman kay PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, hindi pa tapos ang imbestigasyon sa krimen.

Aniya, hindi bababa sa pito ang mga sangkot sa krimen habang mayroon pang pinaghahanap na indibidwal na posibleng may kinalaman sa karumal-dumal na pagpatay sa mga biktima.

“Hindi pa tapos ‘yung investigation dahil kung matatandaan niyo sinabi ng CIDG mga more or less mga 7 initial nila na POIs at tuluy-tuloy ‘yung kanilang ginagawang investigation ng SITG at may mga ilang katao pa tayo na hinahanap,” ayon kay PCol. Jean Fajardo, Spokesperson, PNP-PIO.

Sa pinakahuling impormasyon, lumabas sa otopsiya ng mga awtoridad na nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ang parehong bangkay ng Israeli national at kasintahan nitong beauty queen.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble