TARGET ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na matatapos ang dredging ng “mega” island sandbar sa kahabaan ng Cagayan river sa unang bahagi ng 2022.
Ito ang sinabi ni DENR Secretary at Task Force Build Back Better (TFBBB) Chairperson Roy Cimatu.
Sabi ng kalihim, kasalukuyang umabot na sa 81,807 cubic meters o 8.43 percent ng target na 970,962 cubic meters ng sandbar ang nahukay na nang umpisahan ang dredging operation sa barangay Dummun, Gattaran town, Cagayan Province noong Hunyo.
Dagdag pa ni Cimatu, handa na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na magpadala ng karagdagang equipment at workforce para pandagdag sa dredging operations.
Sinimulan noong Pebrero at natapos nitong Oktubre 4 ang phase 1 ng Cagayan river dredging activities na nakatuon sa masikip na bahagi ng ilog na tinatawag na “magapit narrows.”
Ang TF Build Back Better ay binuo noong Nobyembre 18 taong 2020 sa pamamagitan ng Executive order no. 120.
Ito ang inter-agency body na nagsasagawa ng post-disaster recovery at rehabilitation efforts sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Rolly at Ulysses.