Dredging operations sa Marikina River, tuloy tuloy na ikakasa ng lokal na pamahalaan

Dredging operations sa Marikina River, tuloy tuloy na ikakasa ng lokal na pamahalaan

PUSPUSAN ang pagsasagawa ng dredging operations sa Marikina River habang papalapit na ang panahon ng tag-ulan.

Sa abiso ng PAG-ASA Weather Forecasting Center, nalalapit na ang pag-iral ng panahon ng tag-ulan sa bansa.

Ayon sa State Weather Bureau, posibleng sa ikatlong linggo na ng Hunyo ang simula nito.

Sa panahon ng tag-ulan, madalas tinatamaan ng malalakas na bagyo ang Pilipinas kung saan isa ang Marikina sa mga lugar na pinakamatinding binabaha.

At para maibsan ito, masinsinan ngayon ang dredging operations sa Marikina River.

Bukod sa dredging operations, puspusan din ang reclamation activity kung saan pinapalapad pang lalo ang ilog.

Sa 11 kilometrong haba ng Marikina River Stretch, maraming bahagi nito ang nahukay na at napalalim.

“Tawagin natin dito, banlik. Yung silt na yan, ito yung mga lupa na nanggaling sa bundok sa kabundukan tinangay dito ng tubig so nagstay dito sa ilog. So yun yung aming kinukuha ngayon,” pahayag ni Engr. Felix Romeo Maderal, Head, River Parks Authority.

“Dahil tag-araw ngayon sinasamantala natin yung panahon na ito upang nang sa ganon bago dumating ang tag-ulan ay makuha na natin ang tamang lalim at tamang lapad ng Marikina River at maiwasan yung pagbaha at pagkasira ng mga ari-arian na nasa paligid,” ayon naman kay Marikina City Mayor Marcy Teodoro.

Pebrero ngayong taon nang simulan ng Task Force Build Better ang dredging operations sa ilog na pinangunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

(BASAHIN: Dredging activities sa Marikina River, sisimulan na ngayong araw)

Pero ayon sa River Parks Authority, hindi kaya ng ilang buwan ang dredging sa ilog.

Dahil dito, nais ng lokal na pamahalaan na ipatupad ng buong taon ang dredging operations.

“Wala kaming timetable, yun na nga sabi ko kanina. Dire-diretso kami hindi kami tumitigil ng dredging, dire-diretso wala kaming time table kasi once na umulan eto na naman yung mga silt,” ayon kay Maderal.

“Kaya ang iniisip natin, ay magkaroon ng tuluyang dredging activity sa Marikina at para maging sustainable ito ay mag-a-acquire o kukuha na ng sariling dredging machine at backhoe sa paghuhukay sa Marikina River,” dagdag ni Mayor Teodoro.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.