DAPAT nang isagawa ang dredging sa Limahong Channel sa Lingayen Pangasinan.
Ito’y matapos madeklarang river dredging zone ang nabanggit na lugar.
Iminungkahi ng pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan ang pag-desilt sa ilog habang binigyang-diin ng Mines and Geosciences (MGB) Bureau Region 1 ang kahalagahan ng nasabing proyekto.
Ayon sa MGB Region 1, heavily silted na ang Limahong Channel sa Lingayen, Pangasinan kaya naman ay suportado nito ang iminungkahi ng pamahalaan na isailalim sa dredging project ang ilog.
Ayon kay Engr. Marvin Gamboa, chief ng monitoring technical services section ng MGB Region 1, malaking tulong ang pagkakaroon ng dredging project sa Limahong River para maiwasan ang malaking sakuna na dulot ng pagbaha.
“Kailangan na pong tanggalin ‘yung siltation sa rivers natin and then ang purpose po nito ‘pag natanggal na po siya, magkakaroon na po ng mas malaking capacity ‘yung river to accommodate itong…kapag dumating po ‘yung tag-ulan dahil po doon ‘yung flood is mababawasan kundi mababawasan is totally ma-eliminate na po. Ang magbe-benefit nito ay ‘yung host communities natin at ‘yung mga neighboring communities natin na hindi na sila masyadong maaapektuhan ng pagbabaha,” ayon kay Engr. Marvin Gamboa, Chief, Monitoring Technical Services MGB, Region 1.
Maliban sa Limahong Channel, heavily silted na rin at kailangan ng dredging ang mga ilog na matatagpuan sa Infanta, Dagupan, at San Fabian.
Sa kasalukuyan aniya ay wala pang pribadong kontraktor ang napiling magsagawa sa nasabing proyekto dahil isinasapinal pa ang proseso ng mga dokumento ng inter-agency committee.
Sakali namang maibigay sa pribadong kontraktor ang proyekto at maisagawa ang dredging project sa lugar ay makapagbibigay ito ng benepisyo hindi lang sa river channel kundi maging sa lokal na pamahalaan at komunidad.
“Bukod po doon sa matutulungan ang river channel natin, meron po kasing binabayaran ‘yung contractor na tinatawag na extraction fee direktang pupunta sa pondo ng barangay, munisipyo at ng probinsiya. Meron po silang hatian doon na directly mapupunta sa probinsiya which is 30% of the extraction fee, sa munisipyo na 30% din and doon sa barangay na may 40% po sila,” ayon kay Engr. John Rhod Sonson, Mine Tenements and Evaluation Section, MGB Region 1.
Samantala, ibinahagi rin ng MGB Region-1 na mayaman ang rehiyon sa minerals kabilang ang metallic at non-metallic minerals at top producer din ito ng sand at gravel.
“Dito po talaga nanggagaling ‘yung mga best at prestine. Ibig sabihin, clean na sand and gravel. High quality po ang sand and gravel dito particularly here in Pangasinan,” ayon kay Nandy Clae Lagman, Mining Engineer, MGB Region 1.
Kaugnay naman sa pag-extract ng sand and gravel ay kailangan ng permit mula sa MGB Region 1 at kung mababa sa 5 ektaryang sakop na lupain ang pag-extract ay maaaring kumuha ng permit sa provincial government.
Ang MGB ay sakop ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na may tungkulin kaugnay sa konserbasyon at pangangasiwa sa yamang mineral ng bansa.