Driver’s license ng retiradong pulis na nanakit at nagkasa ng baril sa isang siklista sa QC, sinuspinde na ng LTO

Driver’s license ng retiradong pulis na nanakit at nagkasa ng baril sa isang siklista sa QC, sinuspinde na ng LTO

PINATAWAN ng Land Transportation Office (LTO) ng 90-araw na suspensiyon ang driver’s license ng retiradong pulis na nanakit at nagkasa ng baril sa nakaalitan nitong siklista sa Welcome Rotonda sa Quezon City.

Ayon sa LTO chief Asec. Vigor Mendoza II, epektibo na ang nasabing suspensiyon na ipinataw kay Wilfredo Gonzales.

Ito ay habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng LTO sa posibilidad ng permanenteng pagbawi ng lisensiya nito.

Sinabi pa ng LTO chief, malinaw ang hindi magandang asal ni Gonzales sa naturang viral video.

Aniya, ang desisyon na ito ng ahensiya ipinaalam na rin kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista.

Nauna na ring kinumpirma ni Mendoza na pagmamay-ari ni Wilfredo Gonzales ang sinakyan nitong pulang Sedan na nakita sa video.

Pinahaharap din si Gonzales sa LTO para magpaliwanag ng kaniyang panig kung bakit hindi dapat tuluyang bawiin ng LTO ang kaniyang lisensiya.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble