ILANG buwan bago ang election period, halos sunod-sunod na ang naitatalang pagkakasabat ng malalaking halaga ng ilegal na droga sa bansa.
Isa sa mga tinitingnan ngayon ng mga awtoridad ang hinalang paglipana ng diumano’y “fundraising’ ng mga narco politicians tuwing panahon ng eleksiyon.
Ayon sa PNP Drug Enforcement Group, bagamat wala pa silang namomonitor na mga ulat, pero aminado sila na hindi dapat ito isantabi lalo na ngayong papalapit na ang panahon ng halalan.
“Sa ngayon wala pa tayong namomonitor para sa ganitong pagkakataon at hayaan niyo nakukuha din naman namin ang interes ng publiko na talaga pong safe ang paparating na halalan ay tungkol rito at hayaan ninyo kung sakaling may makukuha pa tayong mga monitoring sa ganito pong pagkakataon ay maibigay natin,” saad ni PLt. Dhame Malang, Spokesperson, PDEG.
Sa kabilang banda, hindi pa itinuturing na alarming o dapat ikabahala ang sunod-sunod na pagkakasabat ng mga ilegal an droga sa iba’t ibang panig ng bansa.
Paliwanag ng PNP, mabilis naman anilang natutukoy ang mga suspek mula sa kanilang mga ikinakasang operasyon.
Bagamat, aminado sila na mayroong malalaking sindikato ang nasa likod ng pagkalat ng mga ilegal na droga partikular na ang mga nanggagaling sa ibang bansa.
“Hindi namin nakikita sa ngayon gayong tukoy naman na natin kung saan naman nanggagaling itong mga nahuhuli nating ilegal na droga although it is a big work para sa amin sa mga nakaraang interview natin na ‘yung mga nasa likod nitong mga sources of illegal drugs ay mga sindikato internationally,” dagdag ni Malang.
Matatandaang hindi lang ngayong halalan naiuulat ang posibleng sabwatan ng mga politiko at sindikato ng ilegal na droga para makatiyak ng panalo sa halalan.
Bagay na patuloy na binabantayan ng mga awtoridad para maiwasan ang ugnayan ng mga durugista at politiko kapalit ang proteksiyon ng mga ilegal na gawain nito oras na manalo ang isang kandidato.
“We are still validating kung meron ganun pang mga impormasyon. Sa ngayon naka-stick ang ating PDEG sa ating monitoring ng mga nabanggit dati pa at hindi naman natutulog ang PDEG para sa ganyang pagkakataon,” ayon pa kay Malang.
Sa huli nanawagan ang PDEG sa publiko na huwag mag-atubiling magbigay ng impormasyon lalo na sa mga personalidad na posibleng sangkot sa anumang uri ng transakisyon sa ilegal na droga.