Drogang fentanyl, lumalalang problema sa mga kabataan ng US

Drogang fentanyl, lumalalang problema sa mga kabataan ng US

LUMALALA ngayon ang epidemya ng drogang fentanyl na pumapatay sa mga kabataang Amerikano lalo pa’t balik-eskwela na ang lahat.

Nagbabala ang mga opisyal sa Amerika sa mga kabataan na maaaring mas madalas silang makatagpo ng fentanyl, isang droga na mas nakamamatay kaysa sa heroin na naglipana at makikita sa maraming anyo.

Ayon sa Drug Enforcement Agency, nakakabahala ang kalakaran ng mga drug trafficker na tina-target ang mga teenager at kabataan sa pamamagitan ng makulay na mga tabletas o sidewalk chalk na droga na tinatawag na “rainbow fentanyl.”

Sa kasalukuyan, nakita ito sa hindi bababa na 18 estado.

Kamakailan lang, 1 teenager na babae ang namatay at 3 iba pa ang naospital noong nakaraang linggo matapos mag-overdose sa kanilang high school sa Hollywood mula sa inaakala nilang percocet pills.

Ang pagtaas sa mga pekeng tableta o “dupes” ay galing sa mga katimugang hangganan mula sa mga kartel ng droga ng Mexico kung saan ang drogang fentanyl ay nagbabalat-kayo bilang gamot para sa ADHD, pain-reliever, o para sa pagkabalisa, at iba pa.

Sa buong bansa, tumaas ang mga ulat ng mga pagkamatay dahil sa pagkalulong sa droga.

Sa nakalipas na ilang buwan, mayroon ding mga ulat ng pagkamatay ng mga kabataan sa Alabama, California, Maine, Michigan, at Texas dahil sa fentanyl.

Follow SMNI NEWS in Twitter