DSWD maghihintay pa ng IRR para sa pamamahagi ng subsidiya sa ilalim ng Extended Solo Parents Welfare Act

DSWD maghihintay pa ng IRR para sa pamamahagi ng subsidiya sa ilalim ng Extended Solo Parents Welfare Act

ISA sa mga probisyon ng bagong batas na Extended Solo Parents Welfare Act ay ang pamamahagi ng isang libong subsidiya para sa mga solo parent.

Pero ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), maghihintay pa sila sa implementing rules and regulations (IRR) nito.

Sa pamamagitan ng Republic Act No. 11861 o Expanded Solo Parents Welfare Act na naisabatas noong Hunyo 4 matapos itong magpaso at hindi malagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay magiging daan ito para madagdagan pa ang mga benepisyo ng mga solo parent sa bansa.

Aamyendahan nito ang kasalukuyang batas para sa mga solo parent.

Nakapaloob sa bagong batas na ang mga solo parent na may minimum wage o mas mababa pa ay makatatanggap ng 1k subsidy.

Ang mga kumikita naman ng mas mababa sa 20k piso ay makatatanggap ng 10% discount at exemption sa value-added tax para sa ilang baby products gaya ng baby milk, food, vitamins, at diapers.

Maliban dito, makakukuha rin ng full scholarship sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mga solo parent na may edad 22 pababa basta maabot ang itinakdang requirements.

Sa kasalukuyan itinuturing na solo parents ang mga hiwalay sa asawa, annuled, inabandona, sinumang indibidwal na tumatayong magulang ng isang bata, sinong mga miyembro ng pamilya na tumatayong head of the family bunga ng pagkawala ng magulang kaya siya naging solo parent, magulang na nagsilang ng bata bunga ng panggagahasa, asawa ng nahatulan na mabilanggo.

Dahil dito sa pagkaka-amyenda, nabibilang na sa batas yong mga asawa o sinumang miyembro ng pamilya ng isang OFW na nabibilang sa low o semi-category at hindi bababa ng isang taon na wala sa Pilipinas.

Kasama rin ang paternal leave para sa mga ito.

Otomatiko ring mapabibilang ang mga solo parent sa National Health Insurance Program ng pamahalaan.

Sa isang text na pinadala naman ni Director Irene Dumlao spokesperson ng DSWD sinabi nito na hihintayin pa ang IRR para sa implementasyon ng batas partikular ang para sa subsidiya.

”Bubuuin pa po ang IRR ng batas kaya I cannot talk about yet the subsidy as stated in the law,” Director Irene Dumlao Spokesperson, DSWD.

Pagkalipas ng 15 araw na mailathala ito sa official gazette na may general circulation ay magiging epektibo na ang naturang batas.

Tinataya namang aabot sa halos 14 na milyong solo parent sa bansa ang makikinabang sa bagong batas.

Follow SMNI NEWS in Twitter